Home NATIONWIDE Pagbuhay sa mandatory ROTC muling itinulak sa Senado

Pagbuhay sa mandatory ROTC muling itinulak sa Senado

MANILA, Philippines- Muling inihirit ng dalawang senador ang pagsasabatas ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) matapos lumitaw sa isang survey ng Pulse Asia mula Dec. 3 hanggang 7 noong nakaraang taon na pabor dito ang karamihan sa mga Pilipino.

Kapwa iginiit nina Senador Sherwin Gatchalian at Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagsasabatas ng Senate bill 2034 o ang ROTC Act dahil malaki ang porsyento ng mga Pilipinong pabor sa pagbuhay ng programa.

Ayon kay Gatchalian, co-author at co-sponso ng panukala, nakakuha ng 79 porsyento ang panukala sa Mindanao; 74 porsyento sa Visayas; 67 porsyento sa National Capital Region; at 63 porsyento sa nalalabing lugar sa Luzon.

“Muli, nakita nating malinaw ang boses ng ating mga kababayan pagdating sa panukalang ipatupad ang ROTC,” pahayag ng senador.

Binanggit din ni Gatchalian ang sariling survey na isinagawa noong Marso 2023 na nagpapakitang 78 porsyento ng respondents sa buong bansa ang pabor sa ROTC sa tertiary level.

Layunin ng ROTC Act na gawing mandatory ang Basic ROTC sa Higher Education Institutions at Technical Vocational Institutions para sa estudyante na naka-enroll sa undergraduate programs na hindi bababa sa dalawang taon.

“Naniniwala ako na sa pamamagitan ng programang ito, matuturuan natin ang ating mga kabataang maging disiplinado at matatag, lalo na sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng ating bansa pagdating sa seguridad,” ayon kay Gatchalian.

Tiwala naman si Dela Rosa, pangunahing sponsor ng panukala, na makalulusot ito sa Senado matapos mangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri na bibigyang prayoridad ang panukala sa pagbubukas ng Kongreso sa Abril 29.

“My own personal estimate is that we will win by (a) slim margin,” aniya.

“Kinausap ko si Senate president na sana ma-calendar na ‘yan pagbalik namin para may resulta na, whether gusto man natin o hindi. Kasi ako ang kinukulit ng taumbayan at ng mga pro-ROTC,” giit pa ng senador. Ernie Reyes