MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang South Korean national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagiging wanted nito sa mga awtoridad sa Seoul makaraang masangkot sa counterfeit currency trading.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI ang pasahero na si Jang Junseok, 26, na inaresto sa NAIA terminal 1 noong Abril 7 nang tangkain nitong sumakay ng Philippine Airlines na biyaheng South Korea.
Ayon kay BI-Interpol acting chief Jaime Bustamante, isang warrant of arrest ang inisyu laban kay Jang ng Daegu district court sa South Korea noong Peb. 28, 2024 dahil sa isinampang kaso na possession and trading counterfeit currency.
Inilarawan siya ng mga awtoridad na isang professional counterfeit currency user na namemeke ng South Korean bank notes.
Si Jang ay mayroong anim pang hatol sa kahalintulad na kaso ngunit nakalabas ito sa pamamagitan ng parole pero patuloy pa rin ang kanyang pamemeke ng bank notes.
Ang presyo ng currency notes na kanyang umano’y pinepeke ay mahigit 30 million won o US$22,000. JAY Reyes