Home HOME BANNER STORY Pagbulusok ng PH ranking sa corruption index, inaasahan na ng Malakanyang

Pagbulusok ng PH ranking sa corruption index, inaasahan na ng Malakanyang

206
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng Malacañang nitong Miyerkules na inaasahan ang pagbaba ng puwesto ng Pilipinas sa Corruption Perceptions Index (CPI).

Ito ay dahil umano nang buksan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isyu ng korapsyon.

Bumagsak ng anim na puwesto ang bansa sa ika-120 mula sa 182 bansa, na may iskor na 32—mas mababa sa global average na 42.

Mas mababa rin ito ng isang puntos kumpara sa iskor na 33 noong 2024, kung saan nasa ika-114 puwesto ang Pilipinas mula sa 180 bansa.

“Expected po iyan dahil binuksan po ng Pangulo ang isyu tungkol sa korapsyon. So, kung binuksan ng Pangulo ang korapsyon, magkakaroon ng pag-iimbestiga, at ito po ang ninais ng Pangulo – maimbestigahan,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang briefing.

“So, noong nagkaroon ng imbestigasyon, na-open ang mga natatago noon kaya nililinis po ng Pangulo ang nangyari noong nakaraan. Lahat ng dumi ng nakaraan, nililinis ngayon,” dagdag niya.

Hindi tinukoy ni Castro kung ano ang tinutukoy niyang “dumi ng nakaraan.”

Sa hanay ng mga bansang kasapi ng ASEAN, mas mababa ang ranggo ng Pilipinas kumpara sa Singapore (3), Malaysia (54), Brunei (63), Timor-Leste (73), Vietnam (81), Laos (109), Indonesia (109), at Thailand (116). Tanging Cambodia (163) at Myanmar (169), na pinamumunuan ng military junta, ang mas mababa ang puwesto.

Ang CPI ay inilalabas ng Transparency International at sumusukat sa pananaw ng mga eksperto at negosyante hinggil sa antas ng korapsyon sa pampublikong sektor ng isang bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here