Home NATIONWIDE PAGCOR: Lahat ng POGO sa Pinas uubusin sa Disyembre

PAGCOR: Lahat ng POGO sa Pinas uubusin sa Disyembre

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Martes na wala nang Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs sa bansa sa pagtatapos ng 2023.

Sinabi ni PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco na sinimulan ng korporasyon ang pagbuwag sa POGOs na sangkot sa mga ilegal na aktibidad pagkaupo niya sa opisina noong 2022.

Inisyal na 298 online gambling hubs ang nagsasagawa ng operasyon sa bansa. Ibinaba ito ng PAGCOR sa 48, bago pa ang tuluyang pagbabawal sa POGO operations.

“From 48, as of November 30, we’re down to about 13 and by December 15… it will be zero,” pahayag ni Tengco sa Stratbase ADR Institute forum.

Nilinaw niya na pagsapit ng January 1, 2025, ang mga POGO na nagpapatakbo pa ng operasyon—kabilang ang mga nasa probinsya—ay ituturing na ilegal dahil sa kanselasyon ng kanilang mga lisensya.

Kasunod ng mga kanselasyon, binigyang-diin ni Tengco na nakasasalalay ang implementasyon sa law enforcement agencies, dahil kulang ang police power ng PAGCOR.

Ipinagbawal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng POGOs noong Hulyo matapos madawit ang ilang operators sa mga krimen tulad ng human trafficking, illegal detention, at financial scams.

Noong Setyembre, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na halos 40,000 manggagawang Pilipino ang mawawalan ng trabaho sa ban.

Itinakda naman ng Bureau of  Immigration (BI) ang October 15 deadline para sa foreign workers na dating POGO workers upang i-downgrade ang kanilang mga visa o maharap sa deportasyon. Mahigit 21,000 foreign workers ang nag-apply para sa visa downgrades.

Matatandaang nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 74, na nagpapalawig sa ban upang isama ang illegal offshore gaming operations, bagong license applications, license renewals, at iba pang umiiral na mga operasyon.

Nagtatag din ng inter-agency task force na binubuo ng BI, Department of Justice, DOLE, at iba pang ahensya. Pangangasiwaan ng task force ang pagsasara ng POGOs at aasistihan ang mga apektadong manggagawa. RNT/SA