Home NATIONWIDE Landbank pinaiimbestigahan sa paraan ng pagpapautang

Landbank pinaiimbestigahan sa paraan ng pagpapautang

MANILA, Philippines- Hiniling ni House Committee on Appropriations Vice Chairman at Marikina Rep. Stella Quimbo na maimbestigahan ang nagiging paraan ng pagpapautang ng Landbank of the Philippines sa mga malalaking korporasyon.

Sa kanyang privilege speech sa House Plenary, ibinunyag ni Quimbo na 61.38% o higit P694 bilyong pautang ng Landbank ay sa malalaking korporasyon, habang nasa 0.09% lamang o P1.07 bilyon ang pautang para sa mga magsasaka.

Aniya, mas maliit pa ang pautang para sa mga kooperatiba at maliliit na negosyo.

Giit ni Quimbo, ang Landbank ay may mandato para pagsilbihan ang “marginalized sector” gaya ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante subalit lumalabas na mas pinapaburan ng bangko ang malalaking negosyo.

Pinuna rin nito ang umano’y kawalan ng transparency ng Landbank pagdating sa mga pautang.

“Ilan beses tayong humiling ng mga impormasyon sa Landbank ukol sa mga pautang, ngunit tumatanggi sila na magbigay ng mga datos” ani Quimbo.

Bunsod nito, hiniling ng mambabatas sa House Committee on Public Accounts na masilip ang isyu para matiyak kung nagagampanan pa ba ng bangko ang mandato nito o nadedehado na ang publiko sa mga ipinatutupad na proseso ng bangko.

Samantala, tinukoy ni Quimbo ang kawalan ng impormasyon at transparency sa loan ng Local Government Unit(LGU) partikular ang Marikina City na mayroong P3.6 bilyong utang.

“The debt is larger than its annual budget of P3.09 billiion, yet the details surrounding these loans, including their purposes and terms remain unclear to the public,” pagtatapos ni Quimbo. Gail Mendoza