Home NATIONWIDE Pagdalo ni VP Sara sa OVP budget deliberation ipauubaya ni Escudero kay...

Pagdalo ni VP Sara sa OVP budget deliberation ipauubaya ni Escudero kay Poe

MANILA, Philippines – Ipinaubaya ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay Senador Grace Poe kung papadaluhin o hindi nito si Vice President Sara Duterte sa deliberasyon ng Senado sa badyet ng Office of the Vice President sa plenaryo.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na ayaw nitong pangunahan ang desisyon ng ilang senador kapag tinalakay sa plenaryo ang pambansang b adyet sa susunod na araw.

“Na kay Senator Grace ‘yun. Halimbawa may pagkakataon na wala ‘yung agency head sa anumang kadahilanan, depende ‘yan sa nagso-sponsor na chairman. Depende rin ‘yan sa mga miyembro ng Senado kung hihilingin ‘yun,” ayon sa Senate President.

“Ulitin ko, ayokong pangunahan at ayokong sabihing may ganun kondisyon bago pa man magsimula ang budget,” aniya pa.

Nitong Setyembre, inihayag ni Duterte na hindi siya dadalo sa deliberasyon ng plenaryo sa OVP budget matapos akusahan siya ng ilang mambabatas sa paglulustay ng confidential funds nang walang matuwid na pangangailangan.

Inihayag nito na hindi niya inaasahan ang panukalang P2 bilyong badyet ng OVP para sa 2025 pero kaya naman kumilos ang OVP sa anumang halaga na ibibigay ng Kongreso.

“Sa P700 million, we will see kung ano ‘yung naiwan and then we will work around that budget of the Office of the Vice President. Pero definitely, tuloy pa rin ang trabaho anuman ang budget,” ayon kay Duterte.

Kamakailan, natuklasan sa Kamara na nilustay ni Duterte ang halagang P16 milyon para umupa ng safe houses sa iba’t-ibang panig ng bansa kabilang ang sertipiksyon mula sa militar na nagbayad sa ilang informants.

Inaprubahan ng Mababang Kapuungan ang P733 milyon budget ng OVP sa 2025 sa ikatlo at huling pagbasa. Ernie Reyes