Home HOME BANNER STORY Pagdedeklara ng health emergency malabo sa kabila ng pagsirit ng kaso ng...

Pagdedeklara ng health emergency malabo sa kabila ng pagsirit ng kaso ng leptospirosis

214
0

MANILA, Philippines – Malabo umanong magdeklara ng health emergency sa kabila ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa, ayon kay infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante nitong Linggo, Agosto 10.

“Expected naman ang ganitong klaseng number of cases. Usually ganito ‘yung mga admission namin, 25 to 28 cases a day pero ang tingin ko rito, hindi naman aabot sa health emergency,” ani Solante sa panayam ng Super Radyo DZBB.

“I think this is the peak of the surge [ng mga kaso ng leptospirosis]… mukhang may mga kaso pa rin tayo next week pero hindi na ganoon kadami,” dagdag niya.

Ayon sa Department of Health (DOH), nangunguna ang East Avenue Medical Center sa dami ng pasyenteng may leptospirosis, kasunod ang San Lazaro Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Quezon City General Hospital, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Jose B. Lingad Memorial General Hospital, Ilocos Training and Regional Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Tondo Medical Center.

Sa San Lazaro Hospital, umabot na sa 130 ang pasyenteng may leptospirosis at karamihan ay may malalang kondisyon.

Nasa 11% hanggang 13% ang mortality rate at karamihan sa mga namamatay ay nasa edad 19 hanggang 40. Sa kabuuan, 15 pasyente na ang pumanaw.

“Fifty percent ng mga kaso namin [sa San Lazaro Hospital] ay galing talaga dito sa Metro Manila. May mga ospital sa ibang lugar na kulang sa kagamitan, hindi ma-manage especially kapag severe leptospirosis na,” ayon kay Solante.

Noong Sabado, nakapagtala ang San Lazaro Hospital ng 20 bagong admission, ngunit karamihan umano sa mga dumarating ngayon ay malala na ang kondisyon.

Pinayuhan ni Solante ang publiko na agad magpatingin kapag may sintomas tulad ng kakaunting ihi at pananakit ng binti, at huwag hintaying lumala ang sakit.

Aniya, posible pa ring mahawa kahit hindi lumusong sa baha kung nagkaroon ng contact sa kontaminadong tubig.

“Mayroong mga kasong ganyan [nagkaroon ng leptospirosis kahit hindi lumusong sa baha] pero natalsikan ang mata o bibig nila habang nagmo-motor sila… baka napakarumi ng tubig,” paliwanag niya.

Pinabulaanan din ni Solante ang haka-hakang dulot ng COVID-19 vaccine ang pagdami ng kaso. “Walang kaugnayan ang paghina ng immune system sa kahit anong uri ng bakuna,” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here