Home NATIONWIDE Pagdedeklara ng state of emergency sa ASF outbreak tablado sa DA

Pagdedeklara ng state of emergency sa ASF outbreak tablado sa DA

MANILA, Philippines- Tutol ang Department of Agriculture (DA) sa mga mungkahi na ideklara ang state of emergency  bilang tugon sa  pagtaas ng mga impeksyon ng African Swine Fever (ASF). 

Ayon kay Agriculture Secretary  Francisco Tiu Laurel, Jr. sa ngayon ay sapat na ang pinahusay na mga border control, ang ikinasang inoculation program at ang pagdaragdag sa pagbabayad sa mga na-cull na mga baboy.

Kaugnay nito, tiniyak ni Sec. Tiu Laurel na ang kasalukuyang sitwasyon ng ASF ay hindi magdudulot ng pagkukulang sa suplay o pagtaas sa presyo ng karne ng baboy.

Nabatid pa sa DA, hindi tulad ng unang tugon sa ASF noong 2019, na kinakailangang magpatupad ng malawakang  pag-lockdown ng buong mga bayan,sa ilalim ng bagong diskarte ay tututok lang muna sa paghiwalay lamang sa hog farms na nagpositibo sa sakit. 

Una nang naglatag ang DA ng mga checkpoint  upang mapigilan ang transportasyon ng mga may sakit na hayop.

Gayundin, kagyat na bumili ng 10,000 doses ng mga bakuna kontra ASF para sa emergency inoculation sa mga apektadong lugar. Santi Celario