MANILA, Philippines – Naghain sa Supreme Court (SC) ng petisyon for cetiorari at temporary restraining order si dating Caloocan City 2nd District representative Edgar Erice laban sa inilabas na resolusyon ng Commission on Elections.
Ito’y matapos pagtibayin ng Comelec En Banc ang desisyon na i-disqualify si Erice sa pagtakbo sa 2025 elections bunsod ng petisyon na inihain ni Raymond Salipot.
Inakusahan ni Salipot si Erice na lumabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code dahil sa mga naging pahayag nito laban sa COMELEC at sa eleksyon sa iba’t ibang media platforms.
Nag-ugat ang kontrobersiyang ito sa pagpuna ng dating kongresista sa kasunduan sa pagitan ng COMELEC at MIRU Systems para sa 2025 elections.
Iginiit ni Erice na walang basehan ang pag-disqualify sa kanya ng COMELEC at wala siyang intensyon na guluhin ang eleksyon.
Binigyan-diin ni Erice na hindi siya nagpakalat ng impormasyong makasisira sa integridad ng Comelec.
Iginiit ni Erice na mayroon siyang karapatan bilang taxpayer na punahin ang mga ahensya ng gobyerno at sinumang pinapasahod ng mamamayang Pilipino. TERESA TAVARES