Home NATIONWIDE Paggalaw ng Manila Trench dahilan ng M5.4 lindol sa OccMin

Paggalaw ng Manila Trench dahilan ng M5.4 lindol sa OccMin

1
0

MANILA, Philippines – Naramdaman hanggang Metro Manila ang Magnitude 5.4 na lindol na tumama sa karagatang malapit sa Maburao, Occidental Mindoro noong Biyernes ng umaga. Naitala ng PHIVOLCS ang Intensity III sa ilang bahagi ng Quezon City, at pansamantalang lumikas ang ilang empleyado ng Korte Suprema sa Maynila bilang pag-iingat.

Ayon sa PHIVOLCS, nagmula ang lindol sa Manila Trench, isang malaking trench sa ilalim ng dagat sa kanluran ng Luzon at Mindoro. Dulot ito ng subduction, o paglusong ng isang tectonic plate sa ilalim ng isa pa.

Nilinaw ng PHIVOLCS na hindi ito kaugnay ng West Valley Fault. Ang West Valley Fault ay nasa lupa at maaaring magdulot ng tinatawag na “Big One”, o isang lindol na maaaring umabot sa Magnitude 7.2. Samantala, ang Manila Trench ay nasa ilalim ng dagat at ang mga lindol dito ay maaaring maramdaman sa mas malawak na lugar, kabilang ang Metro Manila.

Ayon kay PHIVOLCS Senior Science Researcher Bhenz Rodriguez, aktibong earthquake source ang Manila Trench at regular itong gumagalaw kaya patuloy itong naglalabas ng enerhiya.

Idinagdag din ng PHIVOLCS na maaaring magdulot ng tsunami ang Manila Trench kung magkaroon ng mas malakas na lindol sa ilalim ng dagat, samantalang walang inaasahang tsunami mula sa West Valley Fault dahil ito ay nasa lupa.

Hanggang Biyernes ng hapon, tatlong aftershock na ang naitala at wala pang naiuulat na nasawi o malaking pinsala. Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging handa sa posibleng kasunod na pagyanig at sundin ang “duck, cover, and hold” kapag may lindol. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here