BEIJING, China – Binatikos ng China ang paggamit ng Japan ng Type 88 missiles sa katatapos na Balikatan 2026 sa Pilipinas.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian, isa umano itong halimbawa ng “accelerated remilitarization” ng Japan.
“This is yet another example of the Japanese right-wing forces’ push for accelerated remilitarization of Japan,” ani Lin.
Sinabi rin niya na lumalampas na umano ang ilang hakbang ng Japan sa depensa lamang at binanggit pa ang pananakop ng Japan sa Pilipinas noong World War II.
“Japan once invaded and imposed colonial rule over the Philippines and other Southeast Asian countries,” dagdag niya.
Sa Balikatan exercise, ginamit ng Japan Ground Self-Defense Force ang Type 88 missile system sa Paoay Sand Dunes sa Ilocos Norte bilang bahagi ng maritime strike mission.
Tinamaan ng missiles ang target na dating barko ng Philippine Navy na ex-BRP Quezon, na nasa 70 kilometro mula sa baybayin.
Bago nito, nagpalipad din ang United States ng Tomahawk cruise missile mula Leyte patungong target sa Nueva Ecija.
Patuloy namang pinapalakas ng Pilipinas ang ugnayang militar nito sa US at Japan dahil sa tensyon sa West Philippine Sea.
Samantala, sinagot ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pahayag ng China.
“Nakakapagtaka na galing sa China iyon na diktadurya na ang militar nila, panunupil ng kanilang mismong mga tao,” ani Teodoro.