MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na ang kasalukuyang “demolition job” laban sa komisyon ay may isang layunin na pilitin silang gamitin ang lumang vote counting machine sa 2025 elections.
“Sa lahat ng kuno na pinapalabas na bribery, corruption, ang kahulihan, ‘Comelec dapat gamitin ang mga lumang makina ng dati niyang provider, dapat gamitin lahat yan’. So bakit po bribery ang huli, gagamitin ang dating makina na 93,000,” ani Garcia sa interbyu ng Teleradyo Serbisyo.
Hindi naman tinukoy ni Garcia ang dating contractor ng Comelec na Smartmatic. Maaalala na ipinagbawal ng Comelec na makilahok ang nasabing kumpanya sa lahat ng magiging procurements matapos na masangkot sa US bribery case laban kay dating Comelec chief Andy Bautista.
Para sa 2025 midterm elections, ginawaran ng Comelec ang Miru Systems ng P18.8 bilyong kontrata para i-supply ang 110,000 automated counting machine, bukod sa iba pa.
Sinabi ni Garcia na ang demolition job ay para siraan ang Comelec at ang mga commissioner nito ay ang kredibilidad ng 2025 elections.
Nitong Huwebes, inakusahan ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta si Garcia ng pagkakaroon nito ng accounts sa bangko na nakabase sa US.
Sinabi ni Garcia na ang lantarang mamemeke at gawa-gawang ebidensya laban sa kanya ay pawang nakagigil at nakakatawa.
“Ako po ay kinikilabutan sapagkat yung mga dokumento habang aming pinag-aaralan mga peke po lalo na mga bangko sa Amerika… Nakakakilabot at nakakatawa paano ginagawa yung tampering,” ani Garcia.
Sinabi ni Garcia na ang mga taong nasa likod ng mga akusasyon ay hindi man lang makapaghain ng kanilang mga reklamo sa korte at nagtatago lamang sa likod ng legislative immunity.
Dagdag pa niya na inaasahan nila ang higit pang mga pag-atake mula sa kanilang mga sinasabing detractors. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)