Home OPINION PAGGAWA, PAGBENTA NG REPLIKA NG HABING CORDILLERA, BAWAL NA SA MOUNTAIN...

PAGGAWA, PAGBENTA NG REPLIKA NG HABING CORDILLERA, BAWAL NA SA MOUNTAIN PROVINCE

INAPRUBAHAN ng Sangguniang Panlalawigan ng Mountain Pro­vince ang Provincial Ordinance No. 573 na nagbabawal sa paggawa, pagbebenta, at pamamahagi ng mga gawang makina o digitally reproduced na replika ng tradisyonal na habing Cordilleran sa loob ng probinsya.

Isang makasaysayang hakbang para pangalagaan ang kultura at kabuhayan ng mga katutubo ang nilagdaan ni Governor Bonifacio Lacwasan, Jr. bilang ganap na batas noong Hunyo 2, 2025.

Layon nitong bigyan-pro­teks­yon ang mayamang pamana ng paghahabi sa Cordillera laban sa komersyal na pamemeke at pa­ngongopya ng mga disenyo gamit ang industrial na proseso gaya ng screen at digital prin­ting.

Ayon sa ordinansa, “Ang ka­tutubong paghahabi ay hindi basta tela lamang, ito ay ala­ala, pagkakakilanlan, at anyo ng paglaban na tinahi sa bawat hib­la.” Itinuturing din ito bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan at kabuhayan ng mga komunidad sa Mountain Province.

Ang mga disenyo ng habing Cordilleran ay may malalim na kahulugan mula sa kulay, hugis, at pattern na kumakatawan sa ritwal, kasaysayan ng angkan, at ugnayan sa kalikasan. Karaniwang ipinapasa sa mga kababaihan ang kaalamang ito mula pa sa mga ninuno.

Ngunit sa paglipas ng pa­nahon, dumarami ang murang “ethnic-inspired” na damit sa mga tindahan at online platforms na walang pahintulot, ba­­yad, o kaalaman sa pinanggalingang kultura. Dahil dito, unti-unting nababawasan ang kita at dignidad ng mga lokal na manghahabi.

Ang ordinansa ay ipatutu­pad sa lahat ng souvenir shops, department stores, online sel­lers, at tindahan ng kasuotan sa buong Mountain Province. Nilinaw ng batas ang kahulugan ng katutubong paghahabi bi­lang “manwal at tradisyonal na paggawa gamit ang handloom o iba pang kagamitang hindi makina.” Samantala, tinukoy namang “machine-made” ang anomang produktong ginaya mula sa di­senyo ng katutubo ngunit ginawa sa pamamagitan ng indus­trial techniques.

May mga kaparusahang nag­hihintay sa mga lalabag sa ordinansa. Una, pagbibigay ng ba­­bala at pagsulat ng paliwanag; ikalawa, kumpiskasyon ng mga ipinagbabawal na produkto; at ang ikatlo, kumpiskasyon at kanselasyon ng business permit.

Ang hakbang ay sinusuportahan ng mga tagapagtanggol ng karapatang kultural, mga artistang katutubo, at mga ta­gapagtaguyod ng panukalang Cultural Property Rights Act sa pambansang antas.

Paliwanag ng isa sa mga katutubo mula sa Sagada, na hindi ito tungkol sa pagsasara ng pinto kundi panawagan para sa res­peto at pagkilala.

Aniya, kapag ginagaya lang ang disenyo at ibi­nebenta nang walang kaalaman sa pinanggalingan, na­wawala ang kahulugan nito at hindi nawalan rin sila ng benta.

Ang ordinansa ay itinutu­ring na “precedent-setting” o hu­­waran sa buong Cordillera Ad­ministrative Region at posib­leng magbukas ng landas para sa katulad na batas sa iba pang lalawigan ng Abra, Apayao, Be­nguet, Ifugao, Kalinga, at maging ng Baguio City.

Umaasa ang mga tagasuporta na ito ay magsisilbing ins­pirasyon para sa National Commission on Indigenous Peoples at ng mga mambabatas sa Kongreso upang tuluyang maisabatas ang mas malawak na proteksyon sa karapatang kultural ng mga katutubo sa buong bansa.

Sa datos mula sa National Commission for Culture and the Arts, may higit 30 katutubong pattern at teknika ng paghahabi sa Cordillera na nanganganib nang maglaho dahil sa kakula­ngan ng tagapagmana at pagbaha ng pekeng produkto.

Nauna nang inilunsad noong 2024 ang kampanyang “Buy Real. Buy From Weavers.” sa buong Northern Luzon para hikayatin ang mga turista at negosyante na mamili ng authentic na mga produkto mula sa mismong komunidad ng mga habi.