MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang bagong umento sa sahod sa araw-araw para sa private sector workers ng P50 simula sa susunod na buwan.
Sa isang kalatas, inaprubahan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang Wage Order No. BARMM-04, araw ng Huwebes, na magiging epektibo 15 araw matapos ang paglalathala nito sa pahayagan na may regional circulation.
“This P50 increase in the daily minimum wage reflects a deep understanding of the needs of our workers while considering the realities faced by our employers,” ayon kay Macacua.
Si Minister Muslimin Sema of BARMM’s Ministry of Labor and Employment (MOLE), chairman ng Bangsamoro Tripartite Wages Productivity Board (BTWPB), ay nagpahayag na ang wage order ay ipatutupad sa buong rehiyon, maliban sa manggagawa na in-exempt ng batas gaya ng domestic workers at iyong registered microenterprises.
“The signing of the new wage order reflects the gains of the peace process,” ang sinabi ni Sema, na kasalukuyang chairman ng Moro National Liberation Front Central Committee.
Si Macacua, kasama ang BTWPB members, tinintahan ang wage order sa isang seremonya na idinaos sa MOLE-BARMM regional office sa nasabing lungsod, araw ng Huwebes.
Winika pa ni Sema na ang umento sa sahod ay bilang tugon sa tumataas na ‘cost of living, inflationary pressures, at patuloy na panawagan mula sa grupo ng mga manggagawa para sa mas ‘livable wage.’
Sa Lungsod na ito, ang sahod ng non-agricultural workers ay itataas mula P361 hanggang P411, habang ang mga manggagawa sa agricultural sector, kabilang na iyong mga nasa plantasyon, non-plantation, at retail, ay kikita na ng P386 mula P336.
Para sa mga manggagawa sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at mga lungsod ng Marawi at Lamitan, ang bagong minimum wage para sa non-agricultural workers ay P386, mula sa P336. makikita naman ng Agricultural workers na tataas ang daily wage mula P326 ay magiging P376.
Idagdag pa rito, ang mga manggagawa sa BARMM Special Geographic Areas (SGA) ay nakikitang magkakaroon ng minimum wage increase mula P341 ay magiging P391 para sa non-agricultural workers. Para naman sa mga agricultural at retail sectors ay mayroong daily pay na P366, mula sa nakalipas na P316.
Samantala, ang Wage Order No. BARMM-04, nabuo sa pamamagitan ng konsultasyon, socioeconomic assessments, at BTWPB deliberations, kasunod ang Wage Order No. BARMM-03, na nagdagdag sahod ng P20 noong 2024. Kris Jose