Home NATIONWIDE PBBM sa PAF: Territorial integrity, sovereign rights ng Pinas protektahan

PBBM sa PAF: Territorial integrity, sovereign rights ng Pinas protektahan

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Air Force (PAF) na patuloy na protektahan ang ‘territorial integrity at sovereign rights’ ng Pilipinas, bilang ang bansa ay nahaharap sa external threats.

Sa pagsasalita niya sa PAF Air Education and Training Command (AETC) sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, muling pinagtibay ng Pangulo ang patuloy na suporta ng kanyang administrasyon sa ‘modernization efforts’ nito para magbigay sa mga tropa ng ‘best equipment, training, at facilities.’

“Aniya, walang katumbas ang papel ng Philippine Air Force sa mga hamon ng seguridad na kinakaharap ng ating bansa,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press sa Malakanyang, tinukoy ang naging pahayag ni Pangulong Marcos sa naging pagbisita nito sa kampo.

“Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng suporta ng Puwersang Panghimpapawid sa buhay, lakas at pag-asa ng ating Philippine Navy at Philippine Army sa gitna ng laban,” dagdag na wika nito.

Binigyang diin ng Pangulo na sa tulong ng AETC, ang mga sundalo ay naging ‘very well trained at well equipped’ habang ganap na tinutupad ang kanilang mandato sa pagprotekta sa bansa.

Tinatayang may 15,000 estudyante ang sinasanay ng AETC mula 2019 hanggang 2025.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang PAF personnel na maging “faithful in [their] service, love their homeland, serve the people, and cherish the trust and respect of the Filipino people.”

“Nagbitaw din ng mensahe at hamon ang Pangulo sa ating kasundaluhan. Binigyan ng direktiba ng Pangulo ang AETC na tiyakin ang pagtugon nito sa mga kursong kinakailangan ng ating Air Force na naaayon sa layunin ng AFP,” ayon kay Castro.

“Nais din ng Pangulo na panatilihing mataas ang kalidad ng programa at siguruhin na natatapos ng bawat estudyante ang kanilang pagsasanay. Ang Philippine Air Force naman, palawigin pa ang pakikipag-ugnayan sa AETC upang masiguro ang mga kagamitan at iba pang pangangailangan ay matugunan,” ang pahayag ni Castro.

Samantala, matapos maihayag ang kanyang talumpati, nakatanggap naman si Pangulong Marcos ng “balispada” (balisong na espada) bilang ‘token of appreciation’ mula sa mga tropa. Kris Jose