MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na ang preparasyon para sa May 2025 national at local elections ay 95 porsyento nang kumpleto.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa Panagbenga Festival parade sa Baguio City na ang komisyon ay maaabot ang itinakdang mga iskedyul.
Nitong Linggo, Pebrero 23, sinabi ni Garcia na 45 milyon ng 72 milyong opisyal na balota ang naimprenta na sa kabila ng dalawang linggong delay dahil sa inilabas ng korte na restraining orders sa disqualification ng ilang mga kandidato.
Target na makumpleto ang pag-imprenta sa Marso 19 kasunod ng beripikasyon sa pagitan ng Abril 10 hanaggang 20.
Prayoridad ng komisyon na mag-imprenta para sa malalayong lugar upang masiguro na maaga ang deployment sa katapusan ng Marso.
Handa na rin ang election paraphernalia at voting machines para sa deployment.
Gayundin, sinabi ni Garcia na ang Comelec ay nakumpleto na ang training para sa Department of Education supervisors at school principals. Magsisimula naman ang electoral board training sa susunod na linggo.
Sinabi ni Garcia na ang partisipasyon ng Comelec sa Panagbenga Festival parade ay bahagi ng education campaign nito upang hikayatin ang mga mamamayan na bumoto nang matalino at pataasin ang turnout ng mga botante.
“Nandito ang Comelec para masigurado na mabibilang ang inyong mga boto at maiproklama ang mga nararapat na nanalo,” sabi ni Garcia. Jocelyn Tabangcura Domenden