Home NATIONWIDE Pagharang sa impeachment trial posibleng maging criminal offense – Law deans

Pagharang sa impeachment trial posibleng maging criminal offense – Law deans

73
0

MANILA, Philippines – Nag-isyu ng matibay na pahayag ang grupo ng mga kilalang dean at propesor mula sa mga nangungunang law school sa bansa sa pagbababala sa bagong talagang Senate majority na ang pagtangging mag-convene bilang isang impeachment court para kay Vice President Sara Duterte ay maaaring magdulot ng administrative at criminal liability sa mga senador.

Ayon sa legal scholars, binibigyan ng Konstitusyon ang Senado ng responsibilidad na tugunan ang Articles of Impeachment sa oras na maipasa ito ng Kamara matapos aprubahan ng 1/3 ng mga miyembro nito.

“Trial forthwith proceeds,” giit ng mga propesor, at tinukoy ang Article XI, Section 3 ng Konstitusyon at ang malinaw na layunin umano ng mga framer ay umusad ang impeachment process “as a matter of course.”

Ito ay kasunod ng kontrobersiya sa balasahan sa Senado nang alisin si Senate President Vicente Sotto III at palitan ni Senador Alan Peter Cayetano bilang Seante President sa araw na inaasahang ang impeachment articles laban kay Duterte ay ipapasa sa Senado.

Inakusahan ng law professors ang ilang senador na sinusubukang i-delay o sirain ang usad ng impeachment proceedings sa pamamagitan ng procedural maneuvering at pagpapalit ng liderato.

“We decry the brazen attempts of members of the Senate to forestall the impeachment trial of the Vice-President,” saad sa pahayag.

Binatikos din ng signatories ang tinawag na “Escudero definition” ng constitutional term “forthwith,” na tumutukoy sa dating sinabi ni dating Senate President Francis Escudero na maaari umanong tukuyin ng Senado ang timing ng paglilitis “at its own convenience.”

Iginiit ng mga propesor na ang ganitong interpretasyon ay sumasalungat sa salita at layunin ng Konstitusyon.

Nagbabala rin ang grupo sa mga senador na tatangging gawin ang kanilang constitutional duty na maaaring maharap sa legal consequences.

“Refusal of public officers to perform a duty imposed by law, particularly by the Constitution, constitutes dereliction of duty,” ayon pa sa pahayag.

Iginiit pa na ang pag-confere “undue advantage and benefit on a person not entitled to it” ay may katumbas na criminal offense sa ilalim ng Republic Act 3019.

Ang mga signatories ay mula sa San Beda University Graduate School of Law, kabilang sina retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, dating environment undersecretary Antonio La Viña, dean Fr. Ranhilio Callangan Aquino, Msgr. Gary Formoso, Fr. Jaime Achacoso, Dr. George Carmona, Dr. Juan Ruffo Chong, Dr. Manuel Solis, Linda Malenab-Hornilla, Melanie Pimentel, Fr. Jerome Rosalinda, at Fr. Lhem Naval.

Pinirmahan din ang pahayag nina Dean Ada Maria Abad ng Adamson University College of Law, Dean Ma. Soledad Margarita Deriquito-Mawis at Prof. Carlo Cruz ng Lyceum of the Philippines University College of Law, Dean Marivic Trabajo-Daray ng Holy Name University sa Tagbilaran City, Prof. Roger Terence Camua ng University of Asia and the Pacific College of Law, at Dean Rabindranath Polito ng Misamis University College of Law.

Samantala, pinuri naman ng legal scholars ang 257 miyembro ng Kamara na bumoto pabor sa impeachment complaint laban kay Duterte na tinawag nila bilang matapang na pagboto. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here