
ILANG araw pa lamang natatapos ang halalan at hindi pa nga pormal na naipoproklama ang ibang kandidato, gusto na agad makaresbak ni dating Sen. Leila De Lima sa pamilya Duterte.
Si dating Pangulong Digong ang kanyang “kaaway” ngunit naghahanda na siya para sa kanyang “paghihiganti” laban kay Vice President Sara.
Inamin ni De Lima na agad niyang tinanggap ang alok ni House Speaker Martin Romualdez para maging isa sa prosecutor sa “paglilitis” ng Senado sa Impeachment case laban kay Inday Sara.
Hindi na natayo nagulat sa galawang ito ni Romualdez dahil alam naman nating gigil na gigil siya sa bise-presidente na itinuturing niyang “tinik” o hadlang sa kanyang ambisyon na maging kapalit ng kanyang pinsan sa Malacanang.
Pero sabi nga, ang ambisyon ni Martin ay hanggang ambisyon na lang talaga. Kakain lang siya ng alikabok kay VP Sara sa 2028 kung itutuloy niya ang kanyang “matayog na pangarap”.
Ang nakabibigla ay ang ipinakita agad na ngitngit ni De Lima kay VP Sara. Dapat na aniyang matapos ang umano’y “masamang asta” ni VP Sara kaya gagawin niya ang lahat para ma-Impeach ito.
E sino ngayon ang nagpapakita ng “masamang asta”? Hindi ba’t napakasagwa naman na hindi pa nga nakauupo bilang kinatawan ng party list, paghihiganti na agad ang naiisip niya?
Imbes na mag-isip ng mabuting gagawin sa Kongreso para sa kapakinabangan ng ating bayan o ng kanyang mga kinakatawan, pamumulitika ang agad na sumagi sa kanyang isip.
********
Sinabi ng Malakanyang na wala sa isip ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang pagpapa-Impeach kay VP Sara.
E sino naman kaya ang naniniwala? Narinig na natin ito minsan. Napatunayan nating iba ang kanyang sinasabi sa kanyang mga ginagawa.
Sa kabila nang pagtutol ng Iglesia ni Cristo INC, kumilos pa rin ang pinsan niyang Speaker at sa kumpas nito sa kanyang “kawan”, isinampa ang Impeachment case laban kay VP Sara sa Senado.
Ang nuknukan ng sinungaling ay lilitaw at lilitaw na nuknukan talaga ng sinungaling.
Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.