
POSIBLE kayang mag-tandem ang dalawang babaeng lider ng Pilipinas sa halalang presidensyal sa 2028?
Kung sakaling magkatotoo ito, pers taym ito sa kasaysayan Pilipinas.
Noong una, kung hindi ako nagkakamali, puro lalaki at lalaki ang tandem para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Dumating ang snap election noong 1986, may tandem nang babae at lalaki – Sina Corazon Aquino-Salvador Laurel.
Noon namang 1998, nag-tandem sina Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Noon namang 2004, nag-pakner sina Macapagal-Arroyo at Noli de Castro.
Sinundan ito ng tandem nina Mar Roxas at Leni Robredo noong 2016.
At nitong 2022, nagsama sina Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Ang mas malinaw pa sa lahat ng malinaw, puro panalo ang mga babae bilang mga Pangulo o Pangalawang Pangulo.
Panalo sina Cory at Gloria bilang mga Pangulo habang panalo sina Leni at Sara bilang mga Pangalawang Pangulo.
Tinalo nila ang kanilang mga kalabang lalaki.
Kung mag-tandem sina Sara at Imee, ano kaya?
Tatalunin kaya nila ang mga makakalaban nila, lalo na kung puro lalaki ang mga ito?
Tingnan natin ang kanilang mga base o balwarte.
Baluarte ni ngayo’y Vice President Sara ang Mindanao na may 10 milyong botante at pwedeng isama ang Cebu na may 3.4 milyon.
Natumba kasi ang mga kandidato ni Bongbong sa lalawigan ng Cebu.
Sa Luzon naman na masasabing balwarte ni ngayo’y Senator Imee, may 3,654,020 sa Ilocos Region, 2,000,000 sa Cagayan Valley at 1,111,254 sa Cordillera Administrative Region.
Ipagpalagay nang makukuha nila ang pinakamalaking bahagi ng mga balwarteng ito na aabot sa nasa 23 milyon at makikihati pa sila sa ibang mga rehiyon, lalawigan at lungsod, may makatatalo kaya sa kanila?
Hindi naman masasabi na hindi handa ang mga Pinoy sa babaeng Pangulo gaya ng nangyayari sa ibang bansa dahil nagkaroon na nga tayo ng dalawang Pangulong babae.
Ano sa palagay ninyo, mga brad?