MANILA, Philippines- Nangako ang Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na susuportahan ang implementasyon ng Republic Act (RA) 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na bahagi ito ng pagsisikap na sawatahin ang smuggling, hoarding, at profiteering ng agricultural products, partikular ng bigas.
“The PNP is fully prepared to support the implementation of this law to protect our farmers and ensure that rice remains affordable for every Filipino household,” giit ng PNP chief.
Sinabi pa ng opisyal na dapat panagutin ang smugglers at hoarders sa kanilang papel sa paglalagay sa alanganin ng food security at hanapbuhay ng mga magsasaka.
Pinarurusahan ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, isang priority initiative ng Marcos administration, ang smuggling, hoarding, profiteering, cartels, at pagpopondo sa mga aktibidad tulad ng economic sabotage.
Ipinag-uutos din ng batas ang paglikha ng Daily Price Index upang bantayan ang market irregularities at tukuyin ang economic sabotage.
Itinatatag din nito ang Anti-Agricultural Economic Council at ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Group para paigtingin ang pagpapatupad nito. RNT/SA