PATULOY pa rin ang pag-atake ng masasamang loob lalo na ngayong kapaskuhan. Iba’t-ibang klaseng ‘modus operandi’ ang kanilang ginagawa para lamang makapagnakaw at makapanlamang ng kapwa.
Katulad na lamang nang nangyari sa ating kaibigan na nakuhanan ng pera matapos nakikipagtransaksiyon sa isang online seller.
Bibili sana siya ng mga damit at iba pang apparel na panregalo at naisipan niyang gawin ito sa pamamagitan ng isang social media platform. Nagustuhan niya ang mga alok na discount at freebies nang nagbebenta kaya napagdesisyunan niyang bumili ng marami. Mas mainam nga naman ito kaysa mamasahe sa pagpunta sa mall para lamang makabili mga kagamitan.
Ang problema, sa dami ng kaniyang order, halos umabot ito sa halagang P10K. Nagdemand ang seller na ipadede-deliver lamang ang mga inorder kung meron siyang downpayment.
Sa huli, napapayag ng seller ang ating kaibigan na magdown ng halagang P3K at babayaran ang balanse sa oras na mai-deliver ito sa kaniya.
Pagkatapos na bayaran ang downpayment, hindi na makontak ang seller at huli na ng mapagtanto ng buyer na na-scam siya ng kausap.
Muntikan na ring mabiktima ang inyong lingkod ng mga pusakal at iba naman ang naging istilo nila. May nag-text sa akin na may ongoing transaction daw ako at kailangang i-click ang link na ipinadala nila gamit ang lehitimong contact number ng isang kilalang bangko kung nais kong aprubahan o i-cancel ang transaksiyon.
Siyempre hindi tayo nagpadala sa kanilang pain. Mas minabuti nating magpunta sa isang ATM kiosk upang makumpirma kung nabawasan ang ating kaperahan. At dahil wala naman talaga tayong transaksiyon na ganoon, nakumpirma nating intact at kumpleto pa rin ang laman ng ating ATM.
Mas mainam mga dear reader na patuloy parin tayong magmatiyag sa mga online selling platform na ating pinapasok. Huwag basta-basta magbibitaw ng pera kung hindi magiging malinaw na lehitimo at hindi ‘bogus’ ang ating mga kausap.
Huwag ding magki-click ng anomang link na inyong matatanggap lalo na kung may halo ito ng pananakot na karaniwang kahinaan ng karamihan kaya sila nadadale.
Makabubuti na tawagan ang bangko, magtanong at magreport na rin sa pulisya.