Home OPINION HEALTHY SAVINGS KAPALIT NG LIBRENG GAMUTAN

HEALTHY SAVINGS KAPALIT NG LIBRENG GAMUTAN

PARA sa isang kompanyang pinangangasiwaan ng gobyerno na ang mandato ay magligtas ng buhay sa mga ospital, ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay isang multi-bilyong Scrooge sa lahat ng araw buong taon, kabilang ang Pasko.

Ito lang ang maaaring maging paliwanag kung bakit nito nagawang magkaroon ng P920 bilyon na hindi nagastos na pondo habang patuloy na namamatay sa sakit ang mahihirap na Pilipino, malayo sa operating table o sa higaan ng ospital.

Para mas maunawaan natin, mistulang ipinagdamot ng PhilHealth ang P920 bilyon nito ng reserves, surplus, at investments — mga pondong makakapagbigay sana ng kaibahan ng buhay at kamatayan para sa maraming Pilipino na pinagkaitan nito ng mas malalaking benepisyo sa panahon ng matinding medical emergency.

Hindi ko maunawaan kung paanong tinipid ng PhilHealth ang mga benepisyo ng publiko habang binabalewala ang mismong pagtutok sa tungkuling ipinagkatiwala sa kanila.

Maging si President Bongbong Marcos ay sinegundahan ang katotohanan na ang problema ng PhilHealth ay hindi tungkol sa kakapusan ng pondo kundi sa pangangasiwa sa operasyon. Aminado siya na ang mismong sistema ng ahensiya ang “nababarahan” ng limitado nitong kakayahan sa pagpoproseso.

Wow! Dalawang taon na siyang Chief Executive at may kapangyarihan na italaga ang pinakamahuhusay at pinakamatatalino para pamunuan ang mga ahensiya ng kanyang administrasyon, pero mistulang tinanggap na lang niya ang nakapanlulumong kalagayan ng healthcare sa bansa.

Ang paliwanag niya na ang napakaraming claims at ang mga bagong benefit packages ay nakaapekto sa sistema at nagdulot ng delay sa pagbabayad ay hindi nakapagbigay-solusyon sa problema. Inilantad lamang nito ang talunang posisyon ng pinakamakapangyarihang tao sa gobyerno na sa nakalipas na dalawang taon ay hinayaan ang pagdurusa ng mga pasyente habang nakatengga lang sa mga bangko ang pondo ng PhilHealth.

Ngayon, kumilos ang Kongreso at pinagkaitan ang PhilHealth ng P74-bilyon subsidiya mula sa gobyerno para sa 2025, ikinatwiran ang sangkatutak pang reserves at surplus ng kompanya.

Tinangka ni Finance Secretary Ralph Recto na huwag palakihin ang isyu, tiniyak sa publiko na may sapat na pondo ang PhilHealth upang dagdagan ng 50% ang benefit packages nito sa 2025. Pero ito ang totoo: siya rin ang pangunahing bida sa pakikialam sa pondo ng PhilHealth – hindi para sa mga may sakit, kundi upang gawan ng paraan ang budget deficit ng pamahalaan. Hindi ako pabor d’yan.

Sa isang panig, gaya ng ipinunto ni Sen. Grace Poe sa nakaraang mga deliberasyon, ang pasya ng bicameral conference committee na magbigay ng ‘zero budget’ sa subsidiya ay parusa sa kawalang kakayahan ng PhilHealth na matugunan ang hinaing ng mga Pilipinong may karamdaman.

Kaya habang ipinagyayabang ng mga opisyal ng PhilHealth ang katatagan ng nag-uumapaw nilang pondo at lumalaking investment portfolios, nakapanlulumo ang reyalidad para sa mga sineserbisyuhan nila. Inaabot ng ilang oras sa pila ang pami-pamilya, tinitiis ang bureaucracy, at napipilitang tanggapin ang healthcare na “pwede na” — o ang mas malala pa, hindi na lang talaga nagpapagamot — dahil bigo ang PhilHealth na magkaroon ng sapat na coverage para sa gamutan nila.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).