MANILA, Philippines – Kinwestyon ni Vice President Sara Duterte ang pagiging sigurado ng ilang mambabatas na siya ay mai-impeach.
“Kung ordinary individuals lang naman ‘yan, like ordinary Filipinos, pabayaan na natin yan. Kasi ‘yan naman ‘yung opinion nila, ‘yan naman ‘yung damdamin nila, hindi mo naman mababago ang nararamdaman ng isang tao,” sinabi ni Duterte sa isang panayam habang nasa The Hague, Netherlands.
“But it is different siguro kapag congressman na ‘yung nagsasabi or senator na ‘yung nagsasabi kasi magtatanong ka, bakit sobrang sigurado ka na tapos na ito?” dagdag pa niya.
Ang pahayag ay nang tanungin siya tungkol sa mga social media post na nagsasabing siguradong nang didiretso sa Senado ang impeachment process.
Tumanggi namang magkomento si Duterte sa pahayag ni House justice committee member Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon na ang pagkuha ng 106 boto para ma-impeach si Duterte ay hindi mahirap abutin.
“Well, hindi ako maka-comment sa kanyang mga nalalaman kasi hindi ko alam kung ano ‘yung alam niya,” anang Bise Presidente.
Nitong Lunes, inaprubahan ng House committee on justice ang committee report na may attached resolution setting para sa articles of impeachment laban kay Duterte dahilan para ito ay pagbotohan na sa plenaryo.
Inakusahan si Duterte sa impeachment complaints ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa. RNT/JGC