Manila, Philippines – Bukas ang mga kongresista sa posibilidad ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ilang probisyon ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Sa isang press conference, sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Jill Bongalon na may kapangyarihan ang Pangulo na mag-veto ng probisyon sa 2025 GAB ngunit sigurado aniya hindi maive-veto ang kabuuang ng panukala.
“We respect the decision of the president. We are under the democratic country. Iyong pinal na bersyon as approved by both panels is not yet final dahil nga po ay ito ay nire-review. Under the budget process for the GAB to become a law ay kailangang lagdaan ng ating pangulo, ngunit kung hindi niya lalagdaan iyong tinatawag nating lapse into law ay with that he will exercise his veto power,” paliwanag ni Bongalon.
Matapos ratipikahan ng Kongreso ang GAB ay nakatakda sanang lagdaan ni Pangulong Marcos sa December 20 subalit naglabas ng pahayag si Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na matutuloy ang nakatakdang pagsasabatas sa General Appropriations Act (GAA) “to allow more time for a regorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year.”
Binanggit pa ni Bongalon na nakasaad din sa Konstitusyon na kasama sa budget process na maaari ring gamitin ng Kongreso ang “override power” nito sakaling mag-veto man ang Pangulo at patuloy siyang umaasa na may ilang probisyon lamang ang nirerepaso ni Pangulong Marcos.
“Under the Constitution din that the Congress can also exercise the power of overriding the veto power of the president.”
Paglilinaw pa ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, tinitiyak niyang hindi ang kabuuan ng 2025 GAB ang ive-veto ng Pangulo kundi ang ilang probisyon lamang kabilang ang sa PhilHealth,
Ikinatuwa naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang pahayag ng Malakanyang ukol sa pagrepaso sa 2025 GAB dahil ito ay nangangahulugan na si Pangulong Marcos ay pro-active sa mga isyu ukol sa kabutihan ng mga Pinoy. Meliza Maluntag