Home NATIONWIDE Pagkaantala sa pag-imprenta ng driver’s license reresolbahin ‘gang Nobyembre

Pagkaantala sa pag-imprenta ng driver’s license reresolbahin ‘gang Nobyembre

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na pagsapit ng Nobyembre ay mareresolba na ang bagong pagkaantala sa pag-imprenta ng mga driver’s license.

Ang pagtiyak ay ginawa mismo ni Valenzuela City Rep. Eric Martinez, na syang nag-isponor sa House Plenary ng 2025 budget ng Department of Transportation(DoTR) kung saan attached agency nito ang LTO. Ani Martinez, ang delay sa pag-imprenta ng mga lisensya ay resulta ng pagkasira ng “engravers.”

“Just for the record we have enough plastic cards, but the printing was really the problem, sometime November we’ll be able to normalize things,” paliwanag ni Martinez sa naganap na budget deliberations sa House plenary.

Noong Abril ay sinimulan nang magpalabas ng license plastic cards ang LTO para sa mga unang naisyuhan ng papel na driver’s license. Giit ni Martinez, pagsapit ng Nobyembre ay magiging normal na ang pagkuha ng lisensya ng mga motorista at hindi na mag-iisyu ng papel.

Sinabi naman ni Martinez na sa mga hindi pa nakakukuha ng plastic na driver’s license ay maaaring hindi na magtungo sa LTP office at ipadala na lamang sa pamamagitan ng courier.

“They have a hotline number to call to, they call the hotline, they say the details of their paper license, and get back with them with a plastic card through a courier,” pagtatapos pa ni Martinez.

Samantala, ipinanukala naman ni 1-Rider Partylist Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez sa LTO na sa halip na gumastos ng malaki para sa plastic na driver’s license ay gawin na lamang itong electronic license.

Pumabor naman dito si Martinez at sinabing makakatipid ang ahensya ng P250 milyon kada taon kung gagamit na lamang ng digital version ng lisensya. Gail Mendoza