MANILA, Philippines – Itinanggi ng Office of the Ombudsman nitong Lunes na may bahid ng pulitika ang P573-milyong plunder at graft cases na isinampa laban kay Senador Jinggoy Estrada, at iginiit na usapin ito ng pananagutan at hindi ng pulitika.
Naglabas ng pahayag si Assistant Ombudsman Mico Clavano matapos ang alegasyon ni Estrada na inalok umano siyang iwan ang Senate majority bloc kapalit ng pagbasura sa kanyang mga kaso.
“Walang sinumang pwedeng magdesisyon sa ngalan ng Ombudsman pagdating sa mga nakabinbing kaso, dahil ang paggawa nito ay maituturing ding isang uri ng korapsyon,” ani Clavano.
“Matagal nang iniimbestigahan ang mga kasong ito. Sa katunayan, isinasapubliko naman ang bawat hakbang ng proseso,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Clavano na hindi dapat paghaluin ang usapin ng pananagutan at pulitika.
“Hindi dapat kailanman pinaghahalo ang pananagutan at pulitika. Kung may mga taong nagtatangkang palabuin ang linya sa pagitan ng dalawang ito, dapat din silang panagutin,” aniya.
Nakabatay ang mga kaso laban kay Estrada sa alegasyong tumanggap siya ng P573 milyong kickback mula sa mga flood control project ng pamahalaan. Apat pang indibidwal ang kasama sa mga isinampang kaso.
Bago ang pagsasampa ng kaso laban kay Estrada, naghain na rin ang Ombudsman ng magkakahiwalay na kasong malversation at graft laban kina dating Ako Bicol party-list congressman Zaldy Co, contractor Sarah Discaya, at dating senador Ramon Bong Revilla Jr., kasama ang iba pang akusado kaugnay ng umano’y iregularidad sa iba’t ibang flood control projects sa bansa. Santi Celario