Home NATIONWIDE Pagkaing mabibili sa halagang P64 inilatag ng DTI

Pagkaing mabibili sa halagang P64 inilatag ng DTI

239
0

MANILA, Philippines- Inilista ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga posibleng pagpipiliang pagkain, matapos sabihin ng National Economic Development Authority na ang mga Pilipinong gumagastos ng P64 para sa tatlong araw-araw na pagkain bawat tao ay nasa threshold bago ituring na “food poor.”

Hiningan ng komento ni House Deputy Minority Leader France Castro si DTI Undersecretary Amanda Nograles sa deliberasyon ng proposed 2025 budget ukol sa P64 na sinasabi ng NEDA na kapag mayroon ka ay sapat na ito para sa isang tao sa isang araw.

Bilang tugon, sinabi ni Nograles na base ito sa kanilang monitoring ng mga suggested retail price.

“Base po sa ating monitoring ng mga suggested retail price, halimbawa po ang sardinas, P15 to 20 pesos po ang isang lata ng sardinas. Halimbawa po, ang tinapay po, P2 pesos po yung isang pirasong pandesal: Yung tinapay nga po, hindi po tayo nag-approve ng mga price adjustment,” pahayag ni Nograles.

Nabanggit din ni Nograles na ang isang brand ng instant noodles na 55 gramo ay nagkakahalaga ng P7.75, habang ang three-in-one na kape na 18 gramo ay nagkakahalaga ng P4.10. Idinagdag din ni Nograles na maaaring idagdag ang evaporated milk sa halo.

“Ang gatas po, ang Evap po natin, pumapatak po ng P44 pesos po ‘yung 410 ml. Pero hindi naman po siya mauubos, makukonsumo ng isang araw,” sabi ni Nograles.

“Kung ganito ‘yung pagtaya ng gobyerno, ng executive department…sa tingin niyo ba, masustansya itong mga pagkain na to? Kung lalagyan ng mga gulay-gulay, so, ‘yung 64 pesos sa isang tao, ay hindi yan magkakasya,” pahayag  naman ni Castro.

Iginiit ni Castro na ang P64 ay hindi talaga sapat kaya kailangang maghanap ng paraan upang bawasan ang presyo ng pagkain upang ang mga tao ay makakain ng masustansya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here