MANILA, Philippines- Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang Republic Act (RA) No. 120181, lilikha ng tatlong karagdagang Shari’a Judicial Districts at 12 circuit courts sa iba’t ibang panig ng bansa.
Inamyendahan ng batas ang Articles 138, 147, at 150 ng Presidential Decree No. 1083.
Noong una, mayroon lamang limang Shari’a judicial districts ang nilikha sa ilalim ng PD No. 1083— ang una ay sa lalawigan ng Sulu; ang pangalawang ay sa Tawi-Tawi; habang ang pangatlo naman ay sa Basilan, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur at Dipolog, Pagadian at Zamboanga City.
Ang fourth district ay para sa Lanao del Norte, Lanao del Sur at Iligan at Marawi City habang ang fifth district ay kinabibilangan naman ng Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat at Cotabato City.
Sa ilalim ng RA No. 120181, ang tatlong karagdagang Shari’a districts ay magiging sixth district para sa Bukidnon, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, Cagayan de Oro City at mga lalawigan sa Regions XI at XIII; ang seventh district ay para sa mga lalawigan na sakop ng Regions VI, VII, VIII; habang ang eighth district ay para naman sa Metro Manila, mga lalawigan na sakop ng Cordillera Administrative Region, Regions I, II, III, IV-A, V at Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) region.
Dahil sa bagong batas, ang Shari’a circuit courts ay 63 na mula sa bilang na 51. Ang bagong 12 Shari’a circuit courts ay maglilingkod sa newly-created Shari’a Judicial Districts.
Ang limang circuit courts ay nakatayo sa sixth district, tatlo para sa seventh district, at apat para sa eighth Shari’a district.
Samantala, ang batas ay nilagdaan noong Agosto 12, 2024, at magiging epektibo 15 araw matapos ang paglalathala sa Official Gazette o sa pahayagang may general circulation. Kris Jose