Home METRO Parak natukoy na person of interest sa panloloob sa 2 jewelry shops

Parak natukoy na person of interest sa panloloob sa 2 jewelry shops

CEBU CITY- Kabilang ang isang pulis sa persons of interest sa pagnanakaw sa dalawang jewelry shops sa Barangay Ermita sa lungsod na ito.

Inilahad ito ng special investigation task group (SITG) na nilikha upang imbestigahan ang twin robberies matapos madiskubreng ang hinihinalang getaway vehicle ay pagmamay-ari ng isang police master sergeant na naka-assign sa Metro Manila.

Naka-leave ang nasabing pulis nang salakayin ng mga kawatan ang Macy’s Gold and Silver Jewelry Store at DGC D’ Gold Chain and Jewelry Store noong Agosto 8.

Ang pulis ay isa lamang sa persons of interest sa kaso, base kay Police Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, tagapagsalita ng SITG.

“We are preparing cases for these people so let’s see where the evidence will lead,” pahayag ni Macatangay sa isang press briefing sa Cebu City Police Office (CCPO) headquarters nitong Miyerkules.

Narekober ang hinihinalang getaway vehicle, isang silver at grey Mitsubishi Adventure, noong Martes ng gabi sa Barangay Paknaan, Mandaue City.

Nadakip ng Carbon Police Station at Mandaue City Police Office ang driver ng SUV na kinilala bilang si Marcial Ponesto, tubong-Lanao del Norte at residente ng Barangay Pagsabungan, Mandaue.

Tinangkang tumakas ni Ponesto subalit na-korner ng mga awtoridad. Natuklasan din ang isang hand grenade sa loob ng SUV, base sa mga pulis.

Ang SUV ang parehong sasakyang sinakyan ng grupo ng kalalakihan matapos ang pagnanakaw base sa security camera footage.

Pinaniniwalaang ang mga kalalakihang sakay ng motorsiklo ang mga kawatang lumuipat sa SUV.

Natukoy na ang apat sa mga suspek. Sila ay kapwa miyembro ng Mindanao-based Parojinog Robbery Group, ayon kay Macatangay.

Pinaniniwalaan namang nasa Cebu pa ang dalawa sa mga suspek.

Idinagdag ni Macatangay na lima pang naninirahan sa Cebu subalit mga tubong-Mindanao ang sangkot sa krimen.

Hinala pa ng mga awtoridad, pinamumunuan ang mga suspek ng isang mastermind.

Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek, ayon kay Macatangay. RNT/SA