Home NATIONWIDE Pagkakaintindihan sa Ayungin tinatrabaho na ng Pinas at Tsina

Pagkakaintindihan sa Ayungin tinatrabaho na ng Pinas at Tsina

MANILA, Philippines – KASALUKUYAN nang nag-uusap ang Pilipinas at Tsina para maabot ang “understanding o isang possible agreement” ukol sa usapin ng Ayungin Shoal.

Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, kabilang sa pinagtuunan ng pansin sa kamakailan lamang na Bilateral Consultation Mechanism (BCM) meeting ay ang kasalukuyang situwasyon sa usapin, na naging ‘focal point’ ng kamakailan lamang na tensyon ng bansa sa Tsina sa gitna ng patuloy na di umano’y pagkagambala sa resupply missions ng Pilipinas.

“There are discussions and we hope to arrive at an understanding or possible agreement,” ayon kay Manalo sabay sabing “If the talks prosper, this could be the first formal measure the two sides would agree on with regard to the Ayungin Shoal.”

Nauna rito, sinabi ng DFA na hindi kailanman pumasok ang Pilipinas sa anumang kasunduan o arrangement sa Beijing na may kinalaman sa itinatampok, at tanging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. lamang ang maga-apruba o magbibigay pahintulot sa kasunduan na may kinalaman sa West Philippine Sea (WPS) at South China Sea.

Sa kabilang dako, sinabi ni Manalo na ang magkabilang panig ay “making progress” subalit maraming usapin ang nananatili.

Idinaos ang 9th BCM noong Hulyo 2, mahigit na dalawang linggo na ang nakalilipas nang banggain ng Chinese Coast Guard at sirain ang Philippine Navy boats na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17.

Kapuwa sinabi ng Pilipinas at Tsina na sila’y mayroong “constructive exchange of views” sa paghawak sa situwasyon sa Ayungin at nagkasundo na pagaanin ang tensyon na hindi makasisira sa kani-kanilang posisyon.

“Both sides agreed to continue discussions to find a mutually acceptable resolution to the issues,” ayon sa departamento. Kris Jose