MANILA, Philippines – BINIGYANG DIIN ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagbabahagi ng mga pagpapala sa pamilya at sa mga nangangailangan ngayong Eid’l Fitr.
Sa isang video message, ang wish ni VP Sara sa mga kapatid na Muslim ay kapayapaan sa puso, liwanag sa kanilang isipan at walang hanggang kaligayahan sa kanilang mga tahanan.
“Ang mahalagang araw na ito ay hindi lamang paalala ng kabutihan ni Allah, kundi pati na rin ng mahahalagang turo ng banal na Qur’an—ang pagkakaisa at pagbabahagi ng biyaya sa pamilya at higit sa lahat sa mga nangangailangan,”ang sinabi ni VP Sara.
Nawa’y tanggapin ang inyong mga panalangin, gantimpalaan ang inyong mga sakripisyo, at pagpalain ang inyong buhay ng pag-ibig at kasaganaan. Nawa’y patuloy tayong gabayan ni Allah sa landas ng kabutihan at pagkakaisa,” dagdag na pahayag ni VP Sara.
Sa ulat, opisyal na ipagdiriwang ngayong Lunes, March 31, ang Eid’l Fitr.
Kinumpirma ito ni Bangsamoro Grand Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani matapos makita ang crescent moon sa isinagawang moon-sighting ng mga itinalagang grupo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ sa iba’t-ibang lugar sa Bangsamoro Region.
“By the authority vested in me, as the Bangsamoro Mufti, I, Abdulrauf Guialani, hereby announce that the crescent moon was sighted today. Therefore, Eid’l Fitr and first day of Shawwal will be tomorrow, Monday, March 31, 2025, In Shaa Allah,” anunsyo ni Sheikh Guialani kagabi, March 30.
Bilang bahagi ng selebrasyon, magkakaroon ng congregational prayers sa mga mosque at prayer grounds sa Bangsamoro Autonomous Region.
At dahil sa pagdiriwang, idineklara ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na regular non-working holiday ang March 31, 2025. Kris Jose