MANILA, Philippines – Ipinunto ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan nitong Martes ang umano’y pagkakasangkot ni Commission on Audit (COA) commissioner Mario Lipana sa mga anomalya sa flood control projects, matapos ang testimonya ng sinibak na DPWH engineer na si Henry Alcantara sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Alcantara na humingi si Lipana ng listahan ng mga proyektong maaaring pondohan ng DPWH gamit ang unprogrammed appropriations — ₱500 milyon noong 2023, ₱400 milyon noong 2024, at ₱500 milyon noong 2025. Madalas umanong gumamit si Lipana ng Viber disappearing messages para dito.
Nang tanungin kung alam niya na may-ari ng construction firm ang asawa ni Lipana, sinabi ni Alcantara na nalaman lamang niya ito kalaunan. Iginiit din niyang wala siyang natanggap na kapalit mula sa ₱1.4 bilyong insertions.
Ayon kay Pangilinan, dapat i-refer ang kaso kay Lipana sa Senate Committee on Justice and Human Rights na siya rin ang pinamumunuan, dahil ito ay posibleng “impeachable offense.”
“Mr. Chairman, at the right time, we should perhaps refer the matter of Commissioner Lipana’s involvement, based on the testimony of Engineer Alcantara, to the Committee on Justice because this looks like an impeachable offense,” anang senador.
Lumutang na rin ang isyu sa House budget hearings dahil sa koneksyon ng asawa ni Lipana sa construction business. RNT