MANILA, Philippines- Dapat bigyan ng sapat na panahon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pag-aralan kung pagkakalooban si Mary Jane Veloso ng executive clemency o pardon.
Ipinaliwanag ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na habang hinihintay ang magiging desisyon ng Pangulo ay ikukulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City si Veloso para isilbi ang kanyang sentensya.
Sinabi ni Andres na marapat na igalang din ng Pilipinas ang Indonesia lalo pa at ang sentensya nito na mula parusang kamatayan ay ibinaba ng Indonesia sa life imprisonment.
Gayunman, nakasaad pa rin sa nilagdaang transfer agreement sa pagitan ng dalawang bansa na may karapatan ang Pilipinas na gampanan ang mga alituntunin sa executive clemency.
Ipinahiwatig ng DOJ na napipinto ang pagkakaloob ng executive clemency kahit matagal pa ang dapat bunuin na taon ni Velasco sa bilangguan.
Siniguro naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na titingnan din ng Pangulo ang nakalulungkot na sitwasyon ng ibang bilanggo sakaling matuloy ang pagkakaloob mg pardon kay Veloso.
Batid aniya ng Pangulo na maraming PDL ang karapat-dapat ding mabigyan ng clemency.
Magugunita nitong Nobyembre, inanunsyo ng Pangulo na nagkasundo ang Manila at Jakarta para mailipat dito si Veloso.
Pinasalamatan din ng Pilipinas si Indonesian President Prabowo Subianto dahil sa ipinakitang goodwill. Teresa Tavares