Home NATIONWIDE Sofronio Vasquez pararangalan ng Senado sa historic win sa ‘The Voice’

Sofronio Vasquez pararangalan ng Senado sa historic win sa ‘The Voice’

MANILA, Philippines- Tatlong magkakahiwalay na resolusyon ang nakahain ngayon sa Senado upang bigyang-parangal si Sofronio Vasquez III, ang kauna-unahang Filipino at Asyano na magwagi sa The Voice isang international singing competition.

Magkakahiwalay na inihain ang Senate Resolution Numbers 1259, 1260 at 1262 sa Senado na may layunin na parangalan ang ipinakitang pagpupunyagi, determinasyon at katatagan na sungkitin ang kanyang pangarap, na hindi inalintana ang kabiguan at pagkakamali na makasagabal sa adhikain nitong gumawa ng pangalan at mag-iwan ng marka sa industriya ng musika.

“Vasquez’s inspiring journey represents the aspirations and unwavering spirit of many of our kababayan (countrymen) and promising young artists as his triumph reminds us how dreams can be achieved with persistence, hard work, and continuous learning,” ayon kay Senador Jinggoy Estrada sa news release.

“Vasquez embodied the incomparable Filipino vocal prowess and showcased the nation’s fervent passion for music before the international stage, bringing prestige and honor to the entire country,” dagdag niya.

Inihain naman nina Senador Imee Marcos at Joel Villanueva ang magkakasunod na Senate Resolution No. 1260 at 1259 na magbibigay parangal din kay Vasquez.

Sinabi ni Villanueva na ipinakita ng talento at kakayahan ni Vasquez ang kagalingan ng isang mang-aawit na Pilipino na siyang lakas upang mabigyang-pansin sa paligsahan sa pagkanta.

“Sofronio Vasquez’s outstanding win brought immense pride and joy to his fellow Filipinos in the Philippines and across the globe,” aniya.

Nagtatrabaho si Vasquez bilang isang dental assistant sa Utica, New York, na tumanyag dulot ng pagkakapili bilang grand champion ng The Voice USA Season 26.

Naipalabas ang finale ng paligsahan noong Disyembre 11, 2024 kung saan ipinakita ni Vasquez ang makapangyarihang pagkanta ng “Unstoppable” at “A Million Dreams,” na tumalo sa apat pang finalists: Shye, Sydney Sterlace, Danny Joseph, at Jeremy Beloate.

Kilala bilang “The Filipino Phenom,” ipakita ni Vasquez sa audiences at coaches sa maagang panahon ng kompetisyon ang kanyang husay nang kantahin ang “I’m Going Down” sa Blind Audition stage.

Dulot ng kanyang pagkanta, umani si Vasquez ng bihirang four-chair turn mula sa mga superstar ng show, na sina rapper Snoop Dogg, country singer Reba McEntire, rock icon Gwen Stefani, at jazz vocalist Michael Bublé.

Pinili ni Vasquez si Bublé bilang mentor, isang partnership na nagbunga at nagsilbing daan upang hawanin ang lahat ng hamon sa kompetisyon.

Bago sumabak ni Vasquez sa abroad, natalo siya sa lokal na The Voice Philippines,. Kilala din siyang lumalahok sa “Tawag ng Tanghalan,” isang popular segment ng Showtime. Kilala din si Vasquez bilang miyembro ng “Musikeros for Leni” noong nakaraang halalang 2022.

Umani si Vasquez na pinakaraming bilang ng boto mula sa American viewers sa buong US. Nakopo niya ang USD100,000 cash prize at isang record deal sa Universal Music Group. Ernie Reyes