Iniimbistigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) kung sangkot sa oil smuggling ang barkong MKTR Jason Bradley na lumubog sa karagatan sa Barangay Cabcaben Mariveles, Bataan noong July 26,2024.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul T. Vasquez na tinututukan ngayon ang imbestigasyon sa oil smuggling matapos na-refloat ng PCG ang motor tanker ng naturang barko.
Aniya, mayroon ilang linggo ang PCG at NBI para maglabas ng final report sa sinuring langis na dala ng lumunog na barko upang malaman kung ito ay paihi.
Ipinaliwanag ni Vasquez na sa batas ang lahat ng mga imported items na dokumentado at bayad sa custom duties at tariffs gaya ng langis ay nilalagyan ng marker ng Bureau of Customs.
Kung wala aniya ang marker ay katunayan na nakapasok ito ng iligal sa bansa.
Ang MKTR Jason Bradley ay isa sa barko na lumubog sa Bataan na nagdulot ng oil spill.
Nilinaw ni Vasquez na ang imbestigasyon sa posibleng oil smuggling ng tatlong barko ay bahagi lamang ng kabuuang imbestigasyon.
Tiniyak ng DOJ ang pagkakaroon ng matibay na ebidensya upang masiguro ba malakas ang isasampang kaso. Teresa Tavares