Home TOP STORIES Pagkakatalaga ng isang DOH official, kinuwestyon ng ilang health advocates

Pagkakatalaga ng isang DOH official, kinuwestyon ng ilang health advocates

114
0

MANILA, Philippines — Kinukuwestiyon ng ilang health advocates at grupo ang pagkakatalaga sa isang  Department of Health (DOH) official sa mga sensitibong tungkulin sa ahensya, kabilang ang pangangasiwa sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) at paghawak ng petty cash, kasunod ng pagkalat sa social media ng mga paratang laban sa kanya.

Batay sa Department Personnel Number 2026-1966 na pirmado ni Health Secretary Teodoro Herbosa, binigyan si Usec. Zhiela Ritz Gatchalian ng awtoridad na humawak ng cash advance o petty cash na umaabot sa ₱75,000 kada liquidation para sa iba’t ibang operational expenses ng ahensya.

Kabilang dito ang procurement ng supplies, repair at maintenance ng equipment at pasilidad, meal expenses, legal fees, at iba pang agarang gastusin.

Kasabay nito, umani ng atensyon sa social media ang isang post mula sa isang indibidwal na nagpakilalang “Marko Polo,” na naglabas umano ng pangalan at iba pang personal na detalye ni Gatchalian at nag-uugnay sa kanya sa isang sinasabing hindi nabayarang obligasyon sa isang pribadong kumpanya. Sa ngayon, wala pang pinal na beripikasyon o opisyal na pahayag na nagpapatunay sa naturang alegasyon.

Dahil dito, sinabi ng ilang health advocates sa ibang mga ulat na nararapat umanong magkaroon ng agarang paglilinaw at pagsusuri mula sa pamunuan ng DOH, lalo na’t ang posisyong hinahawakan ni Gatchalian ay may kaugnayan sa pamamahala ng pondong pampubliko at mga programang nakalaan para sa mahihirap na pasyente.

“Hindi maikakaila na ang ganitong isyu ay nagiging public concern kapag ang sangkot ay isang mataas na opisyal ng pamahalaan na may hawak na sensitibong posisyon sa pamamahala ng pampublikong pondo,” ayon sa Health Watch advocates, base sa mga ulat.

Binanggit din ng ilang sektor ang Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nag-aatas sa mga kawani at opisyal ng gobyerno na mamuhay nang may integridad, katapatan, at pananagutan.

May mga grupo ring nagpahayag ng pagdududa sa naging batayan sa pagkakatalaga kay Gatchalian, at nanawagan ng paliwanag kung bakit sa kanya ipinagkatiwala ang naturang mga tungkulin sa gitna ng mga isyung ibinabato laban sa kanya.

May ilang pahayag din na nag-uugnay sa usapin sa umano’y rekomendasyon at suporta mula sa matataas na opisyal, subalit wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon hinggil dito. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here