Home NATIONWIDE Pagkalas ni Sen. Imee sa admin slate suportado ng ruling party

Pagkalas ni Sen. Imee sa admin slate suportado ng ruling party

NAGLABAS ng pahayag si Navotas Congressman Toby Tiangco na tumatayo bilang campaign manager ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas hinggil sa naging pasiya ni Senator Imee Marcos na magsarili sa muling pagtakbo bilang Senador sa Mayo 2025 election.

“Malaki ang respeto at paghanga natin kay Sen. Imee Marcos, lalo na sa kanyang mga adbokasiya at track record sa serbisyo publiko. Naniniwala ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa kakayahan niyang maglingkod nang tapat sa mga Pilipino,” pahayag ni Cong. Tiangco.

“Patuloy na sumusuporta ang Alyansa kay Sen. Imee para sa tagumpay ng legislative agenda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para sa kaunlarang walang maiiwan at para sa magandang kinabukasan nating lahat,” dagdag pa niya.

Sa naunang pahayag ni Sen. Imee Marcos, nagpasalamat siya sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagkakataong mapabilang siya hanay ng mga tatakbong senador sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ng administrasyon bagama’t mas pinili aniya niya na tumayong independent upang hindi makadagdag sa mahirap na kalagayan ang kanyang nakababatang kapatid.

Pinasalamatan din ng Senador ang kanyang kapatid sa patuloy na pagtatanggol sa kanya sa kabila ng galit at matinding kalupitan ng iilan. Jojo Rabulan