MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang desisyon na nagkansela sa certificate of candidacy ni Darwin Sia na tumatakbong miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng 2nd District ng Maynila para sa Eleksyon 2025.
Sa 11 pahinang desisyon na inilabas ng Comelec en banc nitong Lunes, Mayo 5, ibinasura ang motion for reconsideration (MR) na kumikwestyon sa desisyon noong Marso ng Comelec Second Division na nagdidiskwalipka kay Sia sa midterm elections.
Noong Marso, sinabi ng Comelec Second Division na si Sia ay gumawa ng materyal na representasyon noong siya ay naghain ng kanyang kandidatura para sa 2025 national at local elections (NLE) sa kabila ng paghatol sa electricity pilferage, na bumubuo ng moral turpitude.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code (OEC), ang isang indibidwal ay hindi kwalipikado na maging kandidato para sa isang elective na posisyon at para sa paghawak ng anumang katungkulan kung ang naturang tao ay nahatulan ng pinal na paghatol para sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Gayunpaman, nangatuwiran si Sia sa kanyang mosyon na hindi siya kailanman gumawa ng materyal na misrepresentation dahil ang iligal na paggamit ng kuryente ay hindi idineklara bilang isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
“As a consequence , the denial of due course to and/pr cancellation of Respondent’s COC is warranted under Section 78 of the OEC,” idinagdag pa ng en banc. Jocelyn Tabangcura-Domenden