Home METRO SPD naglabas ng pahayag sa naganap na Makati resto robbery/holdup

SPD naglabas ng pahayag sa naganap na Makati resto robbery/holdup

MANILA, Philippines – Naglabas ng pahayag ang Southern Police District (SPD) kaugnay sa insidentwe ng di-umano’y robbery/hold-up sa isang Japanese restaurant nitong nakaraang Linggo sa Makati City.

Sinabi ni SPD director P/BGen Joseph Arguelles na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Makati City police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa naiulat na robbery/holdup sa Izakaya Kojiro restaurant na matatagpuan sa A. Arnaiz Avenue gayundin upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari.

Nabatid kay Arguelles na rumesponde ang pinagsanib na pwersa ng SPD at Makati City police kung saan agad na nagsagawa ng initial assessment, pangangalap ng testimonya mula sa mga saksi at pagkuha ng CCTV footage mula sa lugar ng insidente at mga karatig na lugar.

Kasabay nito ay pinapaalalahanan din ng SPD ang publiko na umiwas muna sa pagpapalaganap ng hindi pa kumpirmadong impormasyon habang nagpapatuloy ang naturang imbestigasyon sa kaso.

“Makakaasa ang lahat na sisikapin ng SPD na agad matukoy ang katotohanan at mapanagot ang sinumang may kinalaman sa insidente,” ani Arguelles.

Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin na batay sa nag-viral na video footage ay makikita ang pagpasok ng dalawang armadong suspect sa naturang restaurant kung saan nakasuot pa ng kulay asul na uniporme ng isang motorcycle ride-hailing app ang isa habang kinukuha ang mahahalagang gamit ng mga kumakaing customers.

Ayon kay Aberin, hindi nila alam ang dahilan kung bakit matapos makuha ang cellular phones ng mga customer ay ibinalik din ang mga ito sa mga nagmamay-ari maliban sa wallet ng isang biktima na naglalaman ng P25,000.

“This unexpected act has spurred an inquiry into the suspects’ underlying motive, as it deviates significantly from typical robbery scenarios,” ani Aberin.

Dagdag pa ni Aberin na kanyang pinapayuhan ang mga biktima na magsampa na pormal na kaso laban sa mga suspects upang managot sa pangyayari. James I. Catapusan