Home NATIONWIDE Pagkasawi ng 2 sundalo sa Basilan kinondena ng CHR

Pagkasawi ng 2 sundalo sa Basilan kinondena ng CHR

MANILA, Philippines- Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyaring pag-atake sa Sumisip, Basilan na ikinasawi ng dalawang sundalo na nagbibigay seguridad sa United Nations Development Programme mission sa lugar.

Bukod sa dalawang sundalong nasawi ay mayroong 12 iba pang sugatan.

Naghain naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng protesta laban sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nanambang sa mga sundalo.

Sa isang kalatas, kinastigo ng CHR ang nasabing ‘act of violence’ dahil hindi lamang ito nakagugulo sa kapayapaan at katatagan ng lalawigan na pinaghirapang makamit kundi pinalala ang paghihirap na kinahaharap ng komunidad.

“It is deeply concerning that such violence was inflicted while efforts were being made to uplift communities through non-combat operations. This blatant disregard for human life and security is unacceptable,” ang sinabi ng CHR.

“This attack not only threatens peace efforts but also undermines the fundamental rights and well-being of the local population,” dagdag nito.

Pinaalalahanan naman ng CHR ang lahat ng partidong sangkot mula sa state at non-state armed groups “that they are bound by international human rights and humanitarian law to respect and protect human life.”

“At all times, the right to life, security, and dignity should remain a priority, and violence should never be used as a means to advance any agenda,” diing pahayag ng CHR.

Hinikayat ng komisyon ang mga lider ng armadong grupo na responsable sa pag-atake na ganap na makipagtulungan sa mga awtoridad sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

“Impunity must not prevail, and those behind this act of violence must be held accountable,” tinuran ng CHR.

Winika pa rin nito na ipagpapatuloy naman ng regional office ng CHR na itaguyod ang peacebuilding efforts sa pamamagitan ng pagsusulong ng dayalogo at isusulong ang paggalang para sa karapatang-pantao at makikipagtulungan sa Western Mindanao Command upang tiyakin na ang mga biktima at kanilang pamilya ay makatatanggap ng kinakailangang tulong. Kris Jose