MANILA, Philippines- Tinawag ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año ang neutralisasyon o pagkasawi ni ranking New People’s Army (NPA) leader Myrna Sularte bilang isang “decisive blow” na lalong magpapahina sa communist insurgents.
Si Sularte (a.k.a. Maria Malaya) ay kalihim ng NPA’s Northeastern Mindanao Regional Committee. Napaslang si Sularte sa isang engkwentro sa government troops sa Barangay Pianing, Butuan City noong Pebrero 12.
“Sularte played a central role in orchestrating the group’s decades-long campaign of violence, deception, and exploitation, particularly in Mindanao. Her demise is a major victory for peace and security, bringing long-overdue justice to countless innocent Filipinos who suffered at the hands of the CTGs (communist terrorist groups),” ang sinabi ni Año.
Sinabi pa ng NSA na ang pagkawala ni Sularte ay isang “turning point” dahil magsisilbi itong paalala na walang lugar ang armadong pakikibaka sa demokratikong lipunan.
Sa ulat, nasawi ang isang babaeng mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkwentro sa Brgy. Pianing, Butuan City, Agusan del Norte nitong Miyerkules ng hapon.
Sa report ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Commander Brig. Gen. Michelle Anayron Jr., kinilala ang napatay na lider ng NPA sa CARAGA Region na si Myrna Sularte, alyas Maria Malaya.
Ayon kay Anayron, ang grupo ni Sularte, kalihim ng NPA North Eastern Mindanao Regional Committee, ay nakasagupa ng mga elemento ng Army’s 30th Infantry Battalion (IB) sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tagulahi, Brgy. Pianing ng lungsod.
Sa tala, si Sularte ay biyuda ni Jorge Madlos alyas Ka Oris, ang isa sa matataas na lider ng NPA na napatay naman sa bakbakan sa lalawigan ng Bukidnon noong Oktubre 2021.
Sinabi ng opisyal na ang mga sundalo ay rumesponde matapos makatanggap ng ulat sa presensya ng mga rebeldeng nangingikil sa mga komunidad na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig matapos na unang magpaulan ng bala ang mga kalaban.
Nabatid pa na si Sularte ay nahaharap rin sa samu’t saring kasong kriminal kabilang na ang rebelyon, arson, robbery with double homicide, kidnapping, murder na dulot ng sari-saring uri ng paghahasik ng terorismo sa rehiyon.
Sa kabilang dako, hinikayat ni Año ang natitirang rebeldeng NPA na sumuko at tulungan ang gobyerno sa pagbuo sa bansa, habang pinuri naman ni Año ang Philippine Army para sa tagumpay nito.
“This success is testament to the solid commitment of our security forces, who continue to risk their lives to protect our people and secure our nation’s future. Their dedication ensures that communities once plagued by insurgent violence can now look forward to genuine peace and development,” dagdag na pahayag ni Año.
Gayundin, pinuri ni Año ang whole-of-nation approach na ipinakita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), mayroong mahalaga at pangunahing papel para pahinain ang communist insurgency sa bansa simula nang mabuo ito noong December 2018 sa pamamagitan ng Executive Order No. 70 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
“Through its programs aimed at addressing the root causes of insurgency – poverty, lack of opportunities, and misinformation, the task force has played a crucial role in weakening CTG’s influence and dismantling its support networks,” ani Año.
Sinabi pa ni Año na committed ang pamahalaan na tiyakin na ang mga dating conflict zones ay magiging “centers of progress, reconciliation at sustainable peace.” Kris Jose