Home NATIONWIDE Pagkondena ng DFA sa panlalait ng China sa mga Pinoy, suportado ni...

Pagkondena ng DFA sa panlalait ng China sa mga Pinoy, suportado ni Abalos

17
0

MANILA, Philippines – BUONG pwersang sinusuportahan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr., ang naging aksyon ng Department of Foreign Affairs na mariing pagkondena sa inilathalang AI-generated videos at editorial cartoons ng China Daily na gumagamit ng mapanlait, mapang-alipusta, at racist na paglalarawan sa mga Pilipino.

Sinabi ni Abalos, bilang isang Pilipino, lubos niyang ikinalulungkot at ikinagagalit ang ganitong uri ng pagpapahayag na tahasang yumuyurak sa dangal ng ating lahi.

“Walang puwang ang rasismo at ang paghamak sa anumang mamamayan o bansa sa isang sibilisadong lipunan,” ayon kay Abalos.

Ang tunay aniya na paggalang sa pagitan ng mga bansa ay nagsisimula sa paggalang sa dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan.

“Karapat-dapat ang bawat Pilipino sa paggalang at dignidad. Buo ang ating pakikiisa sa Department of Foreign Affairs sa pagtutol sa ganitong mapanirang propaganda at sa pagtatanggol sa dangal, karapatan, at pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino,” ayon kay Abalos.

Sa ulat, mariing iniutos ng DFA na alisin ng China Daily ang isang bidyong naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga “unggoy,” na tinawag nitong mapanlahi, mapanira sa dignidad ng tao, at hindi katanggap-tanggap.

‎Partikular na kinondena ng kagawaran ang isang AI-generated na bidyong inilathala sa Facebook account ng China Daily noong Hulyo 10, ‎ayon sa DFA lumampas na ito sa hangganan ng lehitimong pampulitikang debate dahil inilalarawan nito ang mga Pilipino bilang mga unggoy.

‎Binigyang-diin din ng DFA na hindi maaaring gamiting dahilan ang mga hindi pagkakasundo sa usaping legal at pampulitika upang magpalaganap ng mapanlait, mapanira sa dignidad ng tao, at mapanlahing mga imahe.

‎Kamakailan lamang ay ginunita ng Pilipinas ang ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award noong Hulyo 12, 2016, na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea batay sa tinatawag nitong nine-dash line.

‎Patuloy na kinondena ng Beijing ang naturang pasya at iginiit na ito ay “null and void.”

‎Ayon sa DFA, patuloy na nilalabanan ng Pilipinas ang mga maling impormasyon kaugnay ng arbitral ruling at ng ligal na posisyon ng bansa sa West Philippine Sea.

‎Nagbabala rin ang kagawaran na ang pagpapalaganap ng ganitong uri ng nilalaman ay lalo lamang nagpapalalim sa kawalan ng tiwala sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here