MANILA, Philippines- Nilalayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 5 na tapusin ang road repair sa kahabaan ng Andaya Highway sa Lupi, Camarines Sur bago mag-Bagong Taon, ayon sa regional office nitong Huwebes.
Sinabi ni DPWH Region 5 director Virgilio Eduarte na tatlong bahagi ng highway ang nakumpuni na habang isang section pa ang inaayos.
“Iyong status po ngayon as of today, 12 noon, ongoing pa rin po iyong tinatapos iyong side po doon sa Andaya Highway. Pero iyong tatlong side po, na maigsi lang po iyon, ay natapos na po iyon,” pahayag ni Eduarte sa Bagong Pilipinas Ngayon news forum.
“So, isa na lang po iyong one-way traffic natin diyan sa Lupi. May kahabaan kasi itong ginagawa diyan pero pinipilit po naming matapos bago mag-Bagong Taon,” dagdag niya.
Ilang araw nakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga indibidwal na patungong Bicol bago mag-Pasko dahil isinara ang ilang lane para bigyang-daan ang road reblocking kasunod ng epekto ng mga bagyo kamakailan. Subalit, naging hamon ang malakas na pag-ulan sa pagkukumpuni at nagpalala pa sa trapiko.
Bukod sa Andaya Highway, isang lane lane na lamang ang madaraanan sa Maharlika Highway sa Sta. Elena, Camarines Norte dahil sa landslide.
“Mayroon pa tayo diyan landslide diyan sa Barangay Rizal ng Sta. Elena, one lane lang po itong passable, dahil iyong isang lane na-damage din. So, mayroon naman tayong in-install ng mga barricade diyan, warning sign para pag-inform sa mga motorist while na malayo pa lang, alam na nila na ahead ay mayroon na pong—one lane lang po ang passable,” wika ni Eduarte.
Samantala, nagbabala ang DPWH Region 5 sa mga motorista sa Bicol na mag-ingat partikular sa maulang panahon.
“Pinaalalahanan ko lang po sana iyong mga motorista na mag-ingat po tayo sa pagbibiyahe kasi nga iyong lupa po natin ay oversaturated na. Kaya sa ngayon po ay marami na pong naitalang mga landslide dahil doon sa patuloy na pag-ulan, kaya kung minsan ay mag-ingat po tayo, hindi po natin alam kung saang banda ang babagsak na lupa, iyong sinasabi nating landslide o ‘di kaya ay rockslide,” pahayag ni Eduarte. RNT/SA