MANILA, Philippines – Tiniyak ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na ipinatutupad ang mas mahigpit na panukala upang maiwasan ang irregularidad sa Senior High School (SHS) voucher program, lalo na sa isyu ng tinaguriang “ghost students.”
Ayon kay Angara, may kasalukuyang legal actions laban sa mga lumalabag, kasabay ng pagbabago sa sistema at mas mahigpit na data consolidation sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE).
“Binago po natin yung sistema. Dati binabayaran kaagad, ina-advance ‘yung bayad. Ngayon tinitignan talaga yung resulta at kung naka-enroll,” ani Angara.
“Tapos ‘yung learner number at nag-i-institute tayo ng mga safeguards both at the school level and at the DepEd level. Binabangga namin yung mga database natin na dati hindi ginagawa,” dagdag niya.
Kasama sa safeguards ang five-step validation framework: cross-check ng voucher management system at learner information system, paglutas sa data discrepancies, post-audit monitoring visits, site inspections, at revalidation ng eligibility at enrollment ng mga estudyante sa ikalawang semestre.
Pitong kaso na ang isinampa laban sa mga lumalabag na pribadong paaralan at indibidwal, na may halagang PHP37.58 milyon, habang may isa pang doseyna na kasalukuyang iniimbestigahan. Napigilan din ng DepEd ang hindi bababa sa PHP200 milyon na mailabas sa mga hindi kwalipikadong benepisyaryo sa school years 2023–2024 at 2024–2025.
Kasabay nito, tinatapos ng DepEd ang updated guidelines para sa SHS voucher program upang matiyak ang kalidad at pananagutan ng mga pribadong paaralan. Santi Celario