Home NATIONWIDE Paglago ng ekonomiya mitsa ng pagbaba ng unemployment rate – DOLE

Paglago ng ekonomiya mitsa ng pagbaba ng unemployment rate – DOLE

MANILA, Philippines- Iniugnay ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Huwebes ang mababang unemployment rate na 3.1 porsyento noong Hunyo sa matatag na paglago ng ekonomiya.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nang magbigay ng maraming trabaho ang gobyerno sa ilang mga sektor ay nagresulta ito ng pagbaba ng bilang ng unemployed Filipinos.

Ayon pa sa kalihim, malugod na tinantanggap ng labor force ng bansa ang partisipasyon ng 577,000 bagong entrants kung saan ang partisipasyon ng babaeng manggagawa ay tumaas ng 346,000 taon-taon.

Gayunman, kinikilala ni laguesma ang agaran at patuloy na pangangailangang tuguan ang underemployment, na tumaas ng 208,000 taon-taon, katumbas ng 12.1 porsyentong underemployment rate sa buong bansa noong Hunyo 2024.

Ayon sa kalihim, ang pagtaas sa underemployment ay nauugnay sa “panahon ng/at pansamantalang mga trabaho, na sama-samang inaaksyunan sa pamamagitan ng isang buong diskarte ng gobyerno.”

Upang tugunan ang alalahanin sa mas mataas na kalidad ng trabaho, sinabi ni Laguesma na nakikipag-ugnayan na sila sa Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council na pinamunuan ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang paigtingin ang pagpapatupad ng national employment masterplan alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumikha at makabuo ng de-kalidad, regular at disenteng mga trabaho.

Nitong Miyerkules, iniulat ng PSA na ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ay bumaba sa 1.62 milyon noong Hunyo ng taong kasalukuyan mula sa 2.33 milyon noong 2023.

Sinabi rin na ang bilang ng unemployed Filipinos noong Hunyo ay bumaba rin mula 2.11 milyon na naitala noong Mayo 2024. Sa nasabing buwan, bumagsak sa 3.1 porsyento mula 4.5 porsyento noong Hunyo 2023 at 4.1 porsyento noong Mayo 2024.

Samantala, ang employment rate sa bansa ay tumaas sa 96.9 porsyento mula 95.5 porsyento noong Hunyo 2023 at 95.9 porsyento noong Mayo 2024. Ang bilang ng employed Filipinos ay umabot sa 50.28 milyon, mas mataas sa bilang ng employed na mga indibidwal na 48.84 milyon noong Hunyo 2023 at 48.87 milyon noong Mayo 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden