Home NATIONWIDE Paglakas ng La Niña pinaghahandaan na

Paglakas ng La Niña pinaghahandaan na

MANILA, Philippines – La Nina naman ang pinaghahandaan ng government task force na nauna nang binigyan ng mandato para tumugon sa El Nino phenomenon.

Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama, spokesperson ng Task Force El Niño, papalitan na nila ang Task Force El Nino at gagawing Task Force La Niña sa pagsisimula ng naturang weather phenomenon.

“Obviously, we want less people — farmers, fisherfolks — to be affected. But again, as I said because of mitigation efforts and the interventions, kahit papano ay naibsan naman ang epekto ng El Niño sa ating bansa,” ani Villarama.

“Mas pinangangambahan, particularly ng Department of Agriculture (DA) ang La Niña kasi kapag bumuhos na ang malakas na ulan at bumaha na sa ating agricultural lands, medyo mahirap na irecover ang pinsalang dulot ng pagbabaha,” dagdag pa niya.

Nitong Biyernes, Hunyo 7, ay opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng El Nino phenomenon. Sa kabila nito, ibinabala na ang La Nina ay posibleng magsimula na sa Agosto at tatagal hanggang sa huling tatlong buwan ng taon.

“Ang nakikita natin possible maging dominant category natin ang La Niña by August-September-October,” sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Solis.

“Meaning, base sa forecast ng PAGASA, inaasahan natin na mas mataas ‘yung probability na mas marami tayong ulan by October-November-December kung saan ito ‘yung kasagsagan ng Amihan season,” dagdag niya.

Ang La Nina phenomenon ay nagtataglay ng above-normal rainfall conditions. RNT/JGC