Home HOME BANNER STORY Paglilinaw ng DOH: Walang naitalang kaso ng nasawi sa Mpox sa Pinas

Paglilinaw ng DOH: Walang naitalang kaso ng nasawi sa Mpox sa Pinas

MANILA, Philippines- Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Linggo na walang iniulat na namatay sa Monkeypox o tinawag na ngayon na Mpox sa anumang rehiyon sa bansa.

Binanggit ni DOH Spokesperson Albert Domingo ang datos mula sa DOH-Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Hunyo 8, lahat ng nasuri sa Mpox ay negatibo ang resulta. 

Naglabas ng paglilinaw si Domingo kasunod ng mga ulat na iniimbestigahan ng DOH Central Visayas ang pagkamatay ng isang 27-anyos na lalaki mula Negros Oriental na umano’y hinihinalang kaso ng Mpox.

“Halos magkahawig ang mga butlig o sintomas ng Chickenpox (bulutong-tubig), Shingles, Herpes, at Mpox,” paliwanag ni Domingo.

Hinimok ni Domingo ang lahat na hintayin ang opisyal na pahayag ng DOH at iwasan ang paggamit ng hindi beripikadong impormasyon.

Ang Mpox ay isang nakahahawang sakit na dulot ng monkeypox virus. Ito ay inilalarawan bilang masakit na pantal, namamagang mga lymph node, at lagnat.

Kasama sa mga karaniwang sintomas ng Mpox ang pantal sa balat o mga mucosal lesion na tumatagal ng dalawa hanggang apat na linggo, kasama ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, pagkapagod, at pamamaga ng mga lymph node.

Ang naturang sakit ay naipapasa sa tao sa pamamagitan ng direct contact sa taong may impeksyon, kontaminadong materyales o mga nahawahang hayop.

Noong Hulyo 2022, kinumpirma ng DOH ang unang kaso ng Mpox sa Pilipinas, na kinasasangkutan ng isang 31-anyos na Pilipino na bumalik mula sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden