MANILA, Philippines- Inihayag ng abogado ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. ang legal concerns sa paglipat dito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kasunod ng commitment order na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51.
Inilipat si Teves ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules ng gabi, alinsunod sa court order.
Subalit, iginiit ng kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, na labag umano ito sa itinatag na judicial protocols, dahil nauna nang nagpalabas ng kautusan ang ibang korte.
“Naglabas po ng patakaran ang ating kataas-taasang hukuman na kung sino pong una na mag-issue, ‘yun po ang susundin. E kaso hindi naman sinunod,” wika ni Topacio.
“So may problema talaga tayo dyan na kailangan nating tapatan ng karampatang hinaing at mga reklamo.”
Dagdag ni Topacio, may nakabinbing apela ang kanilang kampo upang ipawalang-bisa ang paglipat kay Teves at iginiit na hindi pa pinal ang kautusan ng korte.
“Hindi pa po executory ‘yung order na ‘yun, sapagkat lahat po ng order ng hukuman, kahit saang hukuman, binibigyan po ng pagkakataon na mag-MR ‘yung pong mga kinuukulan,” aniya.
Ani Topacio, dapat manatili si Teves sa kustodiya ng NBI, kung saan orihinal siyang itinurn-over kasunod ng kanyang deportasyon mula sa Timor-Leste.
“Nakakahalata na po kami na may pattern dito, na mukhang nako coop po ‘yung hukuman ng private prosecutor, ng private complainant na hindi naman po dapat pangyari,” wika ni Topacio.
“Parang nagiging sunod-sunuran po sa private complainant na si Mayor Janice Degamo ang hukuman. Sapagkat noong nagsalita siya na gusto niyang ilipat sa City Jail, ayan, nilipat agad sa City Jail in violation of so many rules regarding commitment orders.”
Nahaharap si Teves sa multiple murder charges kaugnay ng March 2023 assassination kay Governor Degamo at iba pa sa Negros Oriental. RNT/SA