MANILA, Philippines – Naglunsad ng imbestigasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa sumbong ng pagnanakaw at panggagahasa umano ng drayber sa isang Vietnamese na pasahero ng isang ride-hailing app.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III nitong Miyerkules, Setyembre 11, nagpadala na sila ng liham sa ride-hailing company na humihiling para magpaliwanag ito sa alegasyon bilang bahagi ng hakbang ng ahensya “to determine who will be held accountable.”
“Una po, gumawa po kami ng police report, vinalidate po namin yung katotohanan at saka yung facts ng kaso. Pangalawa po, sumulat na rin po kami sa app hailing company na pagpaliwanagin kung ano itong nangyaring ito,” saad sa pahayag ni Guadiz.
“And then number three, pinapuntahan po namin yung naholdap na Vietnamese, may utos po ako para alam namin yung bang side niya, mag-iimbestiga kami definitely and then kung sino nga po yung may kasalanan, mananagot po,” dagdag pa niya.
Ayon kay Guadiz, maaaring maharap sa parusa katulad ng suspensyon ng app ang ride-hailing company sa loob ng 30 araw at maaari ring pagmultahin kung mapatunayang may kapabayaan.
“We urge the riding public to exercise caution when using ride-hailing apps. Always verify the driver’s identity, share your trip details with a trusted person, and stay alert throughout the journey to ensure your safety,” pahayag ni Guadiz.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng Southern Police District (SPD) na ninakawan at ginahasa pa ang isang 32-anyos na babaeng Vietnamese sa loob ng ride-hailing service car na nabook nito noong Setyembre 5.
Ayon sa pulisya, ang drayber ay may kasabwat na kalaunan ay sumakay din ng sasakyan.
Pinagbantaan ng mga ito ang biktima gamit ang kutsilyo saka ninakawan. Nakuha rito ang P35,000 cash at iPhone.
Dagdag pa, ginahasa umano ng kasabwat ng drayber ang biktima bago piniringan at iniwan sa harap ng isang establisyimento sa Barangay San Dionisio sa Parañaque City.
Dalawang araw makalipas ito, nahuli ng mga awtoridad ang drayber na kinilalang si “Andy.”
Nakuha mula sa drayber ang sasakyan na ginamit sa krimen, iPhone ng biktima, isa pang cellphone, pocket knife, wallet at .45 kalibreng baril.
Nahaharap si Andy sa reklamong robbery, rape at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT/JGC