Pinaalala ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang publiko na gawin ang kaukulang pag-iingat para makaiwas sa dengue at leptospirosis sa pamamagitan ng pagiging malinis sa katawan at kapaligiran, pag-iwas sa paglusong sa baha, paglilinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, at iba pa.
“Huwag po nating ipagwalang-bahala ang mga sintomas ng dengue at leptospirosis dahil delikadong sakit ang mga ito. Agad magpatingin at kung kinakailangang ma-confine ay huwag mag-alala dahil sagot namin ang mga ito”, ani Ledesma.
Tiniyak ng PhilHealth na saklaw nito ang pagpapagamot sa ospital ng mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis o dengue. Ang benepisyo para sa dengue fever ay kasalukuyang nasa P13,000 at P16,000 naman sa severe dengue hemorrhagic fever, habang ang benepisyo para sa leptospirosis naman ay nasa P14,300.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula Enero hanggang Hulyo 2024, naitala ang 2,115 kaso ng leptospirosis at 208,965 kaso ng dengue naman ang naitala sa unang linggo ng Setyembre.
Siniguro ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. na ang mga benepisyong ito ay magagamit sa buong taon at maaaring magamit sa alinmang accredited health facility sa buong bansa.
“Bukod sa dengue at leptospirosis, mas pinalalawak ng PhilHealth ang iba pang benepisyo upang magbigay ng sapat na proteksyon sa mga gastusing pangkalusugan. Asahan po ninyo ang patuloy na pagbuti ng mga benepisyo bilang bahagi ng aming programang Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa mamamayang Filipino,” dagdag pa niya.
Kamakailan, inanunsyo rin ni Ledesma ang napipintong pagtaas ng pakete para sa severe dengue hemorrhagic fever mula P16,000 na magiging P47,000 ngayong taon.
Binigyang-diin din niya na lahat ng Filipino ay awtomatikong makagagamit ng mga benepisyong ito alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Law.
“Patuloy po naming pinapaalala sa ating mga miyembro na ang lahat ng Filipino ay agarang makagagamit ng benepisyong PhilHealth kailanman at saan man nila ito kailanganin” ayon kay Ledesma.
“Ito po ay garantiya ng batas kaya dapat ipatupad ng lahat, lalo na sa mga ospital.”
Kung sakaling may mga hindi nabayarang kontribusyon, nilinaw niya na maaari itong bayaran pagkatapos matanggap ng pasyente ang mga benepisyo. “Ang mahalaga ay nagamot muna ang pasyente at nagamit ang benepisyo. Ito po ay nakasaad sa UHC,” paliwanag niya.
Para sa unang kalahati ng taon 2024, mahigit P14.7 milyon na ang naibayad ng PhilHealth sa claims ng leptospirosis, at mahigit P1 bilyon naman para sa dengue.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga benepisyo at serbisyo, maaaring tumawag ang mga miyembro sa 24/7 Hotline ng PhilHealth sa (02) 866-225-88 o sa mga mobile number na (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-1275987 o 0917-1109812.